MATAPOS na tahakin ang magkaibang landas sa pagposte ng tagumpay sa unang dalawang laro ng serye, paghahandaan ng San Miguel Beer ang pagbawi ng Alaska Mik sa Game Three ng best-of-seven championship series ng PBA Governors Cup mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Halos walang hirap na dinurog ng Beermen ang Aces sa Game One noong Biyernes, 108-78. Subalit sa Game Two ay dumaan sa butas ng karayomang Beermen bago naungusan ang Aces, 103-95 para sa 2-0 bentahe sa sery.
Kung muling mamamayani ang Beermen mamaya ay puwede na nilang tapusin ang serye sa Biyernes at maiuwi ang ikalawang titulo sa tatong conferences sa season na ito.
Sa Game Two ay nagpakita ng katatagan ang Beermen sa dulo nang makagawa sila ng 13-0 atake sa huling 2:57.
Nagbida sa endgame si Marcio Lassiter na kumamada ng dalawang three point shots upang magtapos nang may 17 puntos bukod sa pitong rebounds.
Nag-ambag din sa endgame sina Arizona Reid at June Mar Fajardo.
Si Reid ay nagtapos nang may game-high 37 puntos samantalang nagdagdag ng 16 si Fajardo.
Isa pang SMB local, si Alex Cabagnot ay nagtapos nang may 13 puntos
Maganda ang naging performance ng Alaska Milk hanggang sa huling tatlong minuto ng laro bago ito na-blangko ng San Miguel.
Nakapagposte ng 85-76 na abante ang Aces buhat sa back-to-back triples nina RJ Jazul at Calvin Abueva sa umpisa ng fourth quarter. Subalit hindi napanatili ng Aces ang kanilang intesity at nakabalik ang Beermen.
“Akala ko makakabawi ang Alaska dahil sa adjustments nito. It’s good we managed to hang tough in the end,” ani San Miguel Beer coach Leovino Austria na pumupuntirya sa kanyang ikalawang kampeonato bilang coach sa PBA.
Inamin ni Alaska Milk coach Alex Compton na mas maganda ang naging endgame ng Beermen upang ipalasap sa Aces ang kanilang kauna-unahang back-to-back na pagkatalo sa conference.
Umaasa si Compton na manunumbalik ang dating buti ni Travis na naliimita sa 23 puntos sa Game Two matapos na gumawa ng 14 sa Game One.
Limang Alaska Milk locals ang nagtapos nang may double figures sa scoring. Si Sonny Thoss ay gumawa ng 14, si Abueva ay may 13, si JVee Casio ay may 11 samantalang sina Chris Banchero ay Cyrus Baguio ay nag-ambag ng tig-10.
(SABRINA PASCUA)