ISANG taon ding nawala sa showbiz si JM De Guzman at muli siyang matutunghayan sa telebisyon sa pamamagitan ng legal drama seryeng Ipaglaban Mo sa Sabado (Agosto 9).
Sa episode na ito’y isang palaban ngunit may paninindigang kargador ng isda ang gagampanan ni JM (Andoy). Pinamunuan ni Andoy ang pag-aaklas ng mga kasama sa trabaho at paghahain ng reklamo laban sa kompanyang pinagsisilbihan nila ng tatlong taon dahil sa hindi pagbabayad sa kanila ng special pays at incentives na nakasaad sa batas.
Dahil dito, sinibak si Andoy at 30 pang empleado ng kompanya. Dinagdagan naman nina Andoy ang reklamo ng kasong illegal dismissal at paglabag sa Article 118 ng Labor Code na nagsasabing labag sa batas ang pagpapatalsik sa mga empleadong naghain ng reklamo laban sa employer.
Sa una ay pinanigan ng Labor Arbiters ang kompanya, ngunit kalaunan ay binaliktad ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang naunang desisyon at ipinag-utos na ibalik sa trabaho ang mga kargador, bayaran ng back wages, at ibigay ang kaukulang incentives.
Ngunit hindi pa pala roon matatapos ang laban ng grupo ni Andoy dahil naghain ng petisyon ang kompanya sa Supreme Court na ibasura ang desisyon ng NLRC. Ano ang naging huling desisyon ng korte sa kaso? Nakamit ba nina Andoy ang inaasam na hustisya bilang mga manggagawa?
Bahagi rin ng episode na pinamagatang Ibigay Ang Aming Karapatan na idinerehe ni Garry Fernando sina Yam Concepcion, Leo Rialp, Bryan Santos, Ketchup Eusebio, at Janus del Prado.
Huwag palampasin ang Ipaglaban Mo, ang gabay ng mga Filipino sa kanilang karapatan at obligasyong legal, kasama sina Atty. Jose Sison at Jopet Sison.