Nasungkit nila Dixie Gold at ng kanyang hinete na si Mark Angelo Alvarez ang idinaos na 2014 PHILRACOM “3YO COLTS” nung isang hapon sa pista ng Sta. Ana Park. Sa largahan ay halos magkakasabay na lumabas ng aparato ang anim na magkakalaban, nauna ng bahagya sina Castle Cat at Asikaso dahil nasa gawing loob ang puwesto nila. Pagliko sa unang kurbadahan ay nasa harapan pa rin sina Castle Cat kasunod si Asikaso, subalit biglaang lumapit ang nasa labas na si King Bull kabuntot si Dixie Gold. Pagtapat sa tres kuwartos (1,200-meters) na poste bandera pa rin si Castle Cat, iyon nga lang ay biglaang lumapit na labas sina King Bull at Dixie Gold. Kaya pagdating sa medya milya (800-meters) ay nagkapanabayan na sa unahan sina King Bull at Dixie Gold, naiwan na sa tersero puwesto si Castle Cat. Pagpasok sa rektahan ay naging matindi pa rin ang bakbakan nila Mark at Unoh Hernandez sakay ni King Bull, kaya sa pagkakataong iyan ay nagka-ayudahan na ang mga BK’s na nanonood. Sa huling 150 metro ng laban ay naging mas kapana-panabik ang pukpukan, hanggang sa makarating sa meta ay nakalamang lamang ng may kalahating katawan si Dixie Gold laban kay King Bull. Dumating na terserosi Wo Wo Duck, pang-apat si Castle Cat, pumang-lima si River Mist at pang-anim o huling dumating si Asikaso. Naorasan ang tampok na pakarerang iyan ng 1:45.2 (27’-24’-25-28’) para sa isang milya o 1,600 meters na distansiya. Congrats sa may-ari ni Dixie Gold na si Ginoong Joey Dyhengco, kay dating hinete na si Dante Salazar at sa trainer na si A.L. Francisco.
Fred Magno