AALAMIN ng Malacañang kung mayroon ngang sulat na ipinadala sa tanggapan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang nanay ng nag-iisang Filipino winter Olympian na si Michael Christian Martinez para humingi ng tulong sa gobyerno.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, beberipikahin niya kung may sulat na nakarating sa Palasyo.
Ayon kay Teresa Martinez, makailang beses siyang sumulat sa Malacañang para humingi ng suporta para sa kanyang anak ngunit hindi man lang pinansin ang kanyang sulat kaya napilitan siyang isangla ang kanilang bahay para lamang may panggastos silang mag-ina papuntang Russia.
Si Martinez ay bukod tanging Filipino na kalahok sa figure skating sa ginaganap na Winter Olympics sa Sochi, Russia.
Agad umani ng batikos ang gobyerno dahil sa kawalan ng suporta sa batang atleta, ngunit kayang maglabas ng milyon-milyong piso para sa alyadong mga mambabatas.
HATAW News Team
DEP’T OF SPORTS ISINULONG NI TRILLANES
BUNSOD ng kawalan ng pag-asa sa kalagayan ng national sports program, isinulong ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang pagtatatag ng Department of Sports upang magpatupad ng mga reporma sa administrasyon ng sports development sa bansa. “Napakahirap para sa atin na makamit ang katayuan bilang isa sa mga sports powerhouse na bansa, na may matatag at mahusay na national sports program, dahil sa mga ‘di maalis na manloloko sa Philippine sports. Hangga’t sila’y nasa pwesto, imposible na maisaayos ang kaguluhan sa sports development ng bansa,” sabi ni Trillanes.
“Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang Philippine Sports Commission (PSC) ay inaatasan bilang pangunahing ahensya na magtataguyod at magpapaunlad ng sports sa bansa. Ngunit hindi nito maisagawa ang mandato nito dahil kontrolado at dinidiktahan ito ng Philippine Olympics Committee, na walang ginawa kundi paboran ang mga kaalyado nitong mga National Sports Association,” paliwanag ni Trillanes.
Dagdag pa ni Trillanes, ang Senate Bill No. 649 o ang Department of Sports Act, ay inaasahang magsasaayos sa kasalukuyang problema sa sistema at magbibigay ng importansya sa sports development ng bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang ahensya na papalit sa PSC.
(CYNTHIA MARTIN)