SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MAGANDA ang iniwang mensahe ng pelikulang Rekonek: anumang pinagdaraanan ng pamilya, mag-away-away man, magkalayo-layo man, sa huli pamilya pa rin ang matatakbuhan at dadamay.
Dumagsa ang fans sa red-carpet premiere ng Rekonek noong Disyembre 17, Miyerkoles ng gabi, sa Trinoma, Quezon City.
Maaga pa lang ay marami na ang nag-abang na fans sa pagdating ng mga bida ng Rekonek. As early as 4:00 p.m. naririnig na namin ang hiyawan ng fans.
Present sa red carpet premiere ang actor-producer na si Gerald Anderson at leading lady niyang si Charlie Dizon. Dumating din ang mag-asawang Carmina Villarroel at Zoren Legaspi at ang kanilang kambal na sina Cassy at Mavy.
Naroon din ang ibang bidan sina Bela Padilla, Alexa Miro, Kokoy de Santos, Soliman Cruz, Vance Larena, Raf Pineda, Dom Corilla, Donna Cariaga, at siyempre ang producer na si Dondon Monteverde, at Direk Jade Castro.
Hindi naman nakarating ang isa pang bidang si Andrea Brillantes dahil naka-confine ito sa ospital.
Ibinahagi ni Andrea sa kanyang Instagram Story ang isang reel na makikitang naka-confine siya sa ospital.
Halata ang panghihinayang ng aktres sa caption na inilagay nito, na hindi siya nakadalo sa premiere night ng kauna-unahan niyang Metro Manila Film Festival (MMFF) movie.
“POV: dapat nasa premiere night ka ng first MMFF movie mo kaso…”
Hindi naman sinabi pa ni Andrea kung bakit siya na-ospital. Sa huli humingi ito ng suporta para sa kanilang pelikulang Rekonek.
Ang pelikula ay nakasentro sa internet outage at pakikibaka para sa human connection.
Aliw na aliw kami sa role ni Gloria Diaz bilang isang makalumang tao kaya naman siya lamang yata ang taong hindi apektado sa pagkawala ng internet.
May pagka-taklesang kaibigan, kapitbahay, ina, na mataray ngunit may ginintuang puso si Gloria.
Produced ng Reality MM Studios at The Th3rd Floor Studios, ito ang unang pagpo-prodyus ni Gerald ng pelikula na humiling na suportahan.
“Sana po ay tulungan niyo kaming i-share sa mga family ninyo, mga kapitbahay niyo. Sana, manood kayo ulit, isama niyo po ang buong barangay.
“And we just want you guys to have a feel good this Christmas. Sana, ma-inspire namin kayo.
“Sana, mag-detox din tayo sa social media. Puwede naman pala. And sana po, nag-enjoy kayo sa bawat perspective ng bawat kuwento namin.
“So, Merry Christmas, Happy New Year. Sana po, ngayong Pasko ay makasama niyo ang pamilya niyo.
“At sana po, manood kayo ng MMFF. Lahat po ng entries are all beautiful movies, pero siyempre, uunahin po natin ang ‘Rekonek.’”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com