IGINAGALANG ng Grab Philippines ang utos ng pamahalaan na bawasan pansamantala ng 50% ang pasahe ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) bagama’t apektado nito ang mga tsuper at magpapahirap sa paghahanap ng masasakyan sa panahon ng Kapaskuhan.
Ayon sa Grab, katuwang nila ang pamahalaan at bahagi sila ng pangakong maibsan ang araw-araw na paghihirap ng mga kababayan kaya’t kahit mahirap ay kailangan nilang irespeto ang utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng DOTr.
Paliwanag ng ride-hailing firm, kahit maibsan nito ang bayad ng pasahero, mapupunta naman sa driver ang matinding hirap sa layo ng biyahe, mabigat na daloy ng trapiko at konsumo sa gasoline lalo na ngayong holiday season.
Ang pahayag ng Grab ay bunsod ng inilabas na Memorandum Circular No. 2025-056 ng LRTFB na nag-aatas sa lahat ng accredited transport companies na pansamantalang bawasan nang kalahati ang singil sa pasahe sa buong bansa mula 15 Disyembre 2025 hanggang 4 Enero 2026.
Sa ilalim ng kautusan, inatasan ang mga kompanya na muling ayusin ang kanilang fare algorithms upang ang pagtaas ng presyo ay hindi lumagpas sa pinagsamang kada-kilometro at kada minutong rate na itinatakda ng MC 2019-036 bunga na rin ng maraming reklamo kaugnay sa mataas na pasahe kapag masama ang panahon, ora-de-peligro, at mataas ang pangangailangan ng mga commuter.
Kinikilala rin ng Grab ang mataas na demand ngayon sa TNVS bagama’t umaasa sila na ang implementasyon ng panuntunan ay hindi mapupunta ang hirap sa kanilang mga tsuper na may karapatan din sa wastong kikitain para sa kanilang extra time, effort at gastos sa gasolina.
“Ultimately, the most sustainable solution to our transportation challenges is the continued development of a strong, efficient, and reliable mass transport system.
“Grab fully supports the government’s long-term efforts to improve public transportation infrastructure, and we believe TNVS services are most effective when they complement—rather than replace—efficient and affordable mass transit options,” pahayag ng kompanya.
Sa kabila ng kanilang pag-aalala, handa ang Grab na makipagtulungan sa LTFRB sa pagrerebisa sa paraan ng paniningil lalo’t nakatuon sila sa solusyong mabigyang proteksiyon ang mga pasahero habang tinitiyak ang kita at kabuhayan ng kanilang mga tsuper. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com