NO SHOW si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pagbabalik ng sesyon sa senado kahapon, 11 Nobyembre 2025.
Ito ay matapos aminin ni Ombudsman Boying Remulla na mayroon nang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa mga empleyado ng Senador, walang pasabi kung bakit hindi siya nakita sa senado sa naturang araw.
Magugunitang nitong Biyernes ay nakita pa si Dela Rosa sa isang relief operation sa Cebu na magkasunod na pininsala ng lindol at bagyo.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, hindi niya papayagan ang kahit sinong senador na arestohin sa loob ng gusali ng senado.
Paliwanag ni Sotto, kung si Dela Rosa ay dadamputin sa labas ng senado ito ay hindi na niya mapipigilan pa.
Iginiit ni Sotto, lalo na kung nasa sesyon ang senado ay hindi maaaring maaresto ang senador.
Hanggang ngayon ay hindi pa nakakausap ni Sotto si Dela Rosa maging si Senador Panfilo “Ping” Lacson na dating pinuno ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Lacson nais niyang makausap si Dela Rosa upang mabigyan ng payo at hindi para magtago.
Paglilinaw ni Lacson, iba ang kaso nila ni Dela Rosa at limitado lamang ang kapangyarihan ng senado na kupkupin siya sa ilalim ng ating Saligang Batas.
Matatandaang noong si Lacson ay naharap din sa kaso ay hindi nahuli ng mga awtoridad hanggang tuluyan siyang napawalang sala.
Umaasa si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi na ito aabot pa sa pagtatago.
Nais ni Cayetano na mayroon sanang korte ang magsabi kung dapat bang arestohin o hindi si Dela Rosa. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com