Sunday , December 14 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph

Disqualified si Marcy Teodoro — Comelec

121324 Hataw Frontpage

IDINEKLARANG diskalipikado at hindi na maaaring tumakbo bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina si Mayor Marcy Teodoro matapos lagdaan ng Comelec First Division ang diskalipikasyon laban sa kanyang kandidatura noong 11 Disyembre 2024.

Pinagtibay ng mga lagda nina Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda, Commissioner Aimee Ferolino, at Commissioner Socorro Inting ang desisyon ng Comelec First Division.

Sa kanyang certificate of candidacy (COC), idineklara ni Teodoro na residente siya ng Unang Distrito sa kabila na alam niyang hindi iyon totoo.

Ayon sa Comelec, malinaw itong ‘material misrepresentation’ o panloloko, sapat na dahilan para kanselahin ang kanyang kandidatura sa pagka-kongresista sa unang distrito para sa halalan sa 2025.

“Kahit pinapayagan ang pagbabalik sa dating distrito, kailangang maipakita ni Teodoro na siya ay aktuwal na nanirahan at muling nagtatag ng tirahan sa Unang Distrito nang hindi bababa sa isang taon bago ang halalan,” saad ng Comelec sa wikang Ingles.

Base sa Comelec, napatunayang iniwan na ni Teodoro ang kanyang domicile of origin sa Unang Distrito at nagkaroon ng bagong domicile of choice sa Ikalawang Distrito.

Bagamat walang bawal para kay Teodoro na bumalik sa kanyang dating domicile of origin, kinakailangan ng batas sa halalan na magpakita siya ng ebidensiyang muli niyang naitatag ang kanyang tirahan sa Unang Distrito nang hindi bababa sa isang taon bago ang halalang pambansa at lokal sa 2025.

“Sa deklarasyon niya sa kanyang COC ng kabaligtaran, sa kabila ng kanyang kaalaman na hindi niya natutugunan ang minimum residency requirement, malinaw na nagkaroon si Teodoro ng ‘material misrepresentation’ na hindi puwedeng palampasin ng Komisyon,” saad sa desisyon.

Ipinaliwanag ng Comelec na sinadya at seryosong maling inilahad ni Teodoro ang kanyang residency sa Unang Distrito, dahilan para ikansela o hindi bigyan ng bisa ang kanyang COC.

Sinabi ng Comelec na hindi maitatatanggi at inamin mismo ni Teodoro na may bahay siya sa Barangay Tumana, Ikalawang Distrito, at matagumpay niyang inilipat ang kaniyang tirahan doon.

Dahil dito, kinakailangan anila na maipakita ni Teodoro ang malinaw at konkretong intensiyon, aktwual na pagbabago ng tirahan, at pagtira sa Unang Distrito.

“Hindi mapapasubalian at aminado mismo si Teodoro na mayroon siyang bahay sa Barangay Tumana, Ikalawang Distrito, at matagumpay na nailipat niya ang kanyang legal na tirahan doon. Dahil dito, upang matagumpay at mabisang maibalik ang kanyang tirahan sa Unang Distrito, kinakailangang magpakita ng ebidensiyang tumutupad sa tatlong nabanggit na kinakailangan,” ayon sa Comelec.

Binigyang diin ng Comelec na ang pagkakaroon ng bagong tirahan ay hindi lamang basta deklarasyon, kundi kailangang ipakita ang tatlong mahalagang aspekto: aktuwal na paglipat, intensiyong iwan ang dating tirahan, at aktuwal na pagtira sa bagong lugar.

Sa kaso ni Teodoro, wala siyang naipakitang sapat na patunay na bumalik siya sa Unang Distrito.

Dagdag ng Comelec, hindi sila kombinsidong naibalik at muling naitatag ni Teodoro ang kanyang paninirahan sa Unang Distrito mula noong Abril 2024.

Anila, tulad ng binanggit ng mga petitioner, walang sapat at mapapatunayang konkretong aksiyon si Teodoro para suportahan ang kanyang intensiyon na bumalik at muling manirahan sa Unang Distrito. (NIÑO ACLAN)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Niño Aclan

Check Also

Goitia

Goitia: Gawang-Pilipinas na COBRA System, Hudyat ng Bagong Yugto sa Pambansang Depensa

Ang pag-turn over ng gawang-Pilipinas na Controller Operated Battle Ready Armament (COBRA) automated weapon system …

fake news

Walang pasok sa 26 at 29 Nobyembre fake news — Recto

FAKE NEWS ang Memorandum Circular 47 na nagsasabing walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno …

Money Bagman

AICS ng DSWD ‘kinupitan’ 14 barangay execs sinampahan ng kaso

NAGHAIN ng reklamo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Office of the …

Vigor Mendoza LTFRB

LTFRB Ch Mendoza pumalag vs 3 insurance management ng IC

MISMONG si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Vigor Mendoza ang humiling sa …

Aleah Finnegan SEAG

Finnegan nasungkit ang pangalawang ginto sa SEA Games

BANGKOK — Muling pinatunayan ni Paris Olympian Aleah Finnegan na siya ang pinakamakinang na bituin …