IMUS, Cavite —- Ang pinakamainit na National Master (NM) ng Filipinas na si Tyrhone James Tabernilla ay magtatangkang mapabuti ang kanyang local ranking.
Kilala sa tawag na TJ sa mundo ng chess, siya ay masisilayan sa pagtulak ng 1st Herbert Tabernilla Surveying and Engineering Services Open Rapid chess championship na gaganapin sa 11 Mayo 2024 sa Imus Youth Center (sa loob ng Imus Pilot Elementary School) dito.
Nakuha ng 15-anyos na si Tabernilla, grade 10 student ng De La Salle Santiago Zobel, ang titulong National Master (NM) matapos magkampeon sa under-16 boys division ng Mayor Darel Dexter T. Uy National Age Group Chess Championships Grand Finals noong nakaraang 9 Abril 2023 sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.
“I hope to perform well in the 1st Herbert Tabernilla Surveying and Engineering Services Open Rapid chess championship on May 11,” sabi ng pambato ng Imus City, Cavite na si Tabernilla, nasa mahigpit na pagsasanay sa kanyang mga coach na sina International Master Paulo Bersamina, Woman International Master Jan Jodilyn Fronda, Arena FIDE Master Ederwin Estavillo, at Candidate Master Jayson San Jose Visca.
Ang kaganapan, na pinangungunahan ng Herbert Tabernilla Surveying and Engineering Services sa pakikipagtulungan sa City of Imus Sports Development Unit, ay nag-aalok ng pinakamataas na pitaka — P10,000 sa magkakampeon.
Ang iba pang woodpushers na magpapaligsahan sa Open event, na ang proceeds ay ibibigay sa Aksyon Atleta Chess Players, ay sina GM Darwin Laylo, IMs Daniel Quizon, Michael Concio, Jr., Ronald Dableo, Paulo Bersamina at Barlo Nadera, FMs Roel Abegas at Christian Gian Karlo Arca, AIMs Chester Caminong at Remark Bartolome, NM Lloyd Rubio, WNM Bonjoure Fille Suyamin, Sherwin Tiu, Lourecel Hernandez Ecot, Jireh Dan Cutiyog, Charly Jhon Yamson, Erwin Calar, Angelo Gabriel Benipayo, Carl Yamson, Jirah Floravie Cutiyog, Maryss Caldoza, Geraldine Camarines at Maureen Lepaopao.
Ang second hanggang fifth placers ay tatanggap ng P7,000, P5,000, P3,000 at P1,000, ayon sa pagkakasunod.
Special prizes na tig-P1,000 ang ibibigay sa Top Senior, Top Junior, Top Coach, Top PWD at Top Lady.
Tampok din ang kiddies division na ang mananalo ay magbubulsa ng P5,000.
Para sa mga detalye, makipag-ugnayan kay Ms. Dhayanna Anacio sa 0928-9901-816. (MARLON BERNARDINO)