“ALAM ko po ang limitasyon ng batas sa eleksiyon at hinding-hindi kailanman ako lalabag dito katulad ng sinabi nilang overspending. Ito po ay pang-limang kampanya ko na kaya alam ko po ang limitasyon sa gastusin sa kampanya. Hindi ko po ito nilabag at hinding-hindi ko po ito lalabagin,” ito ang mariing ipinahayag ni Laguna Governor ER Ejercito sa ginanap na Unity Mass at presscon sa Cultural Center of Sta. Cruz, Laguna last Wednesday, October 2.
Ayon pa sa aktor/politiko, hindi umabot sa itinatadhana ng batas na P4.5 milyon ang kanyang nagastos noong nakaraang kampanya. “Kaugnay po ng aking nagastos noong nakaraang nasyonal at lokal na Eleksiyon, hindi ko po nalamapasan ang limitasyon ng batas sang ayon sa Omnibus Election Code at RA 7166. Katulad po ng nailahad ko na sa aking Statement of Election Contributions and Expenditures (SOCE), ang akin pong nagastos lamang noong nakaraang halalan ay P4,101,586.62, at hindi po higit sa itinatadhana ng batas na 4.5 milyong piso.”
Idinagdag pa niyang hindi nasunod ang tamang proseso ng batas. “Sa tamang proseso kasi, ang 1st division ng Comelec ay ini-refer dapat ang kasong ito sa Law Department nila upang magsagawa ng preliminary investigation kung ako nga ay nagkaroon ng overspending at ako ay bibigyan ng pagkakataon na magpaliwanag dito sa investigation na ito.
“Ngayon, kung sa tingin ng Law Department ay may probable cause laban sa akin, ang kaso ay isasampa nila sa Regional Trial Court at doon ay ihaharap ang ebidensya laban sa akin at ako naman ay maglalabas ng aking ebidensya bilang depensa. At kung mapapatunayan ng korte na walang kaduda-duda na ako ay nagkasala nga ng overspending, at ako ay ma-convict by final judgement of an election offense, saka pa lang ako maaring i-disqualify o alisin sa puwesto.”
Bago matapos ang kanyang talumpati, dalawang beses ipinahayag ni Gov. ER na siya pa rin ang gobernador ng lalawigan ng Laguna.
Samanatala, hinggil naman sa kanyang showbiz career, ibinalita ni Gov. ER na pasok na ang kanyang pelikulang Boy Golden sa darating na Metro Manila Film Festival ngayong Disyembre. Mula panglabing-isang puwesto, naging pang-pito ang pelikula niyang ito dahil maraming MMFF entries daw ang umatras.
Ayon pa sa Laguna governor, mas hitik daw sa aksiyon ang Boy Golden, kompara sa nauna niyang pelikulang Asiong Salonga na nagwagi siya ng mga acting award. Makakatambal ni Gov. ER si KC Concepcion sa naturang pelikula.
Tin Patrimonio, bida na sa pelikulang Garbriela
Bida na sa pelikula ang dating Pinoy Big Brother Unlimited housemate na siChristine Patrimonio. Ang pelikula niya ay pinamagatang Gabriela na hango sa talambuhay ng magiting na bayaning si Gabriela Silang.
Ang naturang pelikula ay ginawa bilang selebrasyon at paggunita sa 250th death anniversary ng bayaning Ilocana. Ito ay tinatampukan din ninaCarlo Aquino (bilang Diego Silang), Ricky Davao, Jeffrey Santos, Mara Lopez, Chris Michelena, Rob Sy, Arthur Solinap, Johnron Tañada, Nene Tamayo, Iris Lapid, at iba pa, mula sa direksiyon ni Carlo Maceda.
Ano sa palagay niya ang mga katangian ni Gabriela Silang na dapat mailagay sa isipan at damdamin ng mga Filipino?
“Dapat makabayan, matapang… Dapat nagkakaisa tayo bilang Filipino, dapat magtulungan tayo. Iyon iyong makikita nila sa pelikula na katangian ni Gabriela,” pahayag ni Tin (nickname ni Christne).
Ano sa tingin mo ang message ng movie nyo?
“Dito ay ipapakita na hindi lang mga lalaki ‘yung matapang, mga babae rin, lalo na ‘yung mga Filipina,” nakangiting wika pa niya.
Ayon naman kay Direk Carlo, ang pelikulang Gabriela ay mas nakatutok sa mga screening nito sa iba’t ibang paaralan at pamantsan sa bansa, kaysa regular run nito sa mga sinehan. Kaya nasabi niyang maaaring makipag-ugnayan sa On Cam Productions and Megapixel Marketing and Events Services ang mga educator na interasadong maipalabas sa kanilang mga paaralan ang naturang pelikula.
Sa ganitong paraan daw ay mas maraming mag-aaral at mga kabataan ang mamumulat at magiging inspirasyon ang kabayanihan ni Gabriela Silang.
Nonie V. Nicasio