MANILA—Nagwagi ng gintong medalya ang labindalawang taong gulang na Pinay sa Bangkok, Thailand.
Pinangunahan ni Ashzley Aya Nicole Paquinol, isang Grade 6 pupil ng CUBED (Capitol University Basic Education Department) ang Under-12 Girls category (individual rapid event) sa 21st ASEAN+ Age-Group Chess Championships 2023 noong Linggo, Hunyo 25.
Nakakolekta ng 6.0 puntos ang tubong Cagayan de Oro City na si Paquinol sa limang panalo at dalawang tabla sa pitong outings.
Umiskor si Paquinol ng mga tagumpay laban kay Ngoc Lan Dinh ng Vietnam sa unang round, Maria Andrea Trani ng Pilipinas sa ikalawang round, Thai Hoang An Tong ng Vietnam sa ikatlong round, Le Vy Tran ng Vietnam sa ikaapat na round at Josephine Grace Rondonuwu ng Indonesia sa fifth round.
Nakipag-draw siya kay Nguyen ng Minh Chi Vietnam sa ikaanim na round at Le Thai Hoang Anh ng Vietnam sa ikapito at huling round.
“It was a very good performance and I want to dedicate the victory to my family and friends because they are always with me,” sabi Paquinol na nasa kandili ng kanyang personal coach Fide Master Nelson Villanueva.
Nanalo rin si Paquinol ng silver medal sa team event ng Standard, Rapid at Blitz competition.
Si Paquinol na natutunan ang mga simulain ng larong chess sa edad na 8 ay nag-uwi ng kabuuang apat na medalya. (MARLON BERNARDINO)