ISINUSULONG ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na gawing mandato ang paglalathala ng mga ipatutupad na bagong batas sa online portal ng Official Gazette at websites ng mga pahayagan sa bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Civil Code at Administrative Code of 1987 na nag-aatas ng paglalalathala bilang requirement para magkabisa ang mga bagong batas, sinabi ni Estrada, kailangang sumabay ang pamahalaan sa mga pagbabagong dala ng teknolohiya sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa mga bagong pirmang batas, mga kautusan ng Pangulo at mga implementing rules and regulations (IRRs).
Iginiit ni Estrada, mas mabisang matutugunan ang communication barriers dulot ng information technologies kung magiging mas malawak ang kaalaman ng publiko sa mga bagong patakarang ipinatutupad ng gobyerno.
“Ang kamangmangan sa batas ay hindi sapat na dahilan sa panahon ng information age kung saan ang lahat ay mabilis at malawak na napapakalat gamit ang internet. Dapat makaagapay din tayo sa mga makabago, mabilis, at mabisang pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko na may kinalaman sa mga ipinatutupad na batas,” aniya.
Para mapalawak ang bilang ng mga makababasa ng Official Gazette, inirekomenda ni Estrada sa kanyang Senate Bill 1645 na saklawin ang paglalathala ng mga batas sa online version nito, at maging sa online version ng mga pahayagan na pangmalawakan ang sirkulasyon bilang legal at kinikilalang paraan ng paglilimbag ng mga batas ng bansa.
Sa nasabing panukala, iminungkahi ni Estrada na pahintulutan ang mga pagsasaayos sa paglalathala ng mga bagong batas kung ang layon nito ay tugunan ang isang pambansang emergency situation.
Nagkakabisa ang mga bagong batas 15 araw matapos makompleto ang paglalathala nito sa Official Gazette o ang opisyal na pahayagan ng Republika ng Pilipinas, o sa isang pahayagan na mayroong national circulation. Ang paglalathala ay rekisito sa pagtugon sa due process at saklaw nito ang lahat ng batas na pinagtibay ng Kongreso, pati mga kautusan at proklamasyon ng Pangulo, mga IRR ng mga batas, at iba pa.
“Bunsod ng mga pagbabago sa information and communication technology, mas napahusay ang pagpapalaganap ng impormasyon sa pamamagitan ng internet dahil mas malawak ang naabot nito. Mas mabilis at mas naa-access na ngayon ng publiko ang mga online na dokumento,” sabi ni Estrada. (NIÑO ACLAN)