NAKATUTOK ang Philippine women’s softball team na makaranas ng foreign training at exposure bago ang kanilang kampanya sa Women’s Softball World Cup sa Hulyo.
Nakapasok sa main draw ng group stage ang Blu Girls matapos ang malakas na fourth place finish kamakailan sa Women’s Softball Asia Cup sa Incheon, South Korea.
Ang Blu Girls, ranked No. 4 sa Asia ay kasama sa bracket na kinabibilangan ng host na Italy, Japan, Canada, Venezuela, at New Zealand sa Group C.
“That’s why we need more foreign exposure. Alam naman ng coaches natin na ‘yun ang kulang,” sambit ni team captain at starting pitcher Ann Antolihao sa Tuesday’s Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex.
“We’re happy na nakabalik tayo sa World Cup,” dagdag ni Antolihao na nakasama sina pitcher CJ Roa at catcher Celine Ojare sa nasabing weekly forum.
Iginiit ng tatlong manlalaro na kailangan nila ang foreign exposure bago ang World Cup na ang top two teams sa bawat group ay nakatitiyak ng spots sa final stage sa 2024.
Nakapasok ang Blu Girls sa World Cup na may all-homegrown lineup na nasa gabay nina coaches Ray Pagkaliwagan, Randy Dizer, at Anthony Santos, na suportado ni ASAPHIL president Jean Henri Lhuillier.
“I’m so proud of the whole team for giving their best since day 1 of training and I’m glad their hardwork was rewarded with a well-deserved world cup slot. We at ASAPHIL will ensure they will be well-prepared and battle-ready come World Cup,” ani ASAPHIL President Jean Henri Lhuillier.
Umaasa ang koponan na makapag-training camp sa Japan para sa pagkakataon na makaranas ng tune-up matches kontra top teams.
“High-level training talaga sa Japan kahit sa tune-up games with university schools. Kaya kung bibigyan kami ng chance, sana sa Japan,” sabi ni Roa na pitcher mula University of Santo Tomas.
“Skills wise meron naman po tayo rito. Pero kulang tayo sa exposure,” ani Roa.
Ang Blue Girls ay mga manlalaro din mula Bacolod, Bukidnon, Batanes, at Makati.
Nakaranas ng walong laro ang Blu Girls sa Incheon, South Korea na tinalo ang Hong Kong (7-0), South Korea (2-0), Singapore (8-1), Thailand (10-0) at India (10-0) at yumuko sa Japan (9-1) bagamat angat ng 4-0 lead sa first inning, China (6-2) at Chinese-Taipei (15-5). (MARLON BERNARDINO)