Sa pinatindi pang operasyon ng pulisya, sabay-sabay na naaresto ang tatlong arestado ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng umaga, 2 Abril.
Sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Eduardo Guevarra, hepe ng Marilao MPS kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, dakong 10:00 ng umaga kahapon ng ikinasa ang operasyon sa pagbitag sa mga personalidad sa droga ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Marilao MPS sa Brgy. Lambakin, sa nabanggit na bayan.
Sa nasabing operasyon, nasamsam ng mga awtoridad mula sa mga suspek ng kabuuang P108, 800 na halaga ng hinihinalang shabu na may timbang na 16 gramo, at marked money.
Kinilala ang mga suspek na sina Pendaton Guilang alyas Benjie, 50 anyos, na kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Tabing Ilog, Marilao; Hanif Marahum, 29 anyos; at Fahad Dipatuan, 28, kapwa ng Golden Mosque, Quiapo, sa Maynila; pawang mga tubong-Malabang, Lanao del Sur, at nakatala sa PNP-PDEA Drug Watchlist.
Kasalukuyang nasa custodial facility ng Marilao MPS ang tatlong suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002. (Micka Bautista)