ni Marlon Bernardino
MANILA — Tinalo ni Woman National Master (WNM) Antonella Berthe Murillo Racasa ng Victory Christian International School ang kanyang tatlong nakalaban kasama na ang final round win kontra kay Denielle Valgomera ng San Joaguin – Kalawaan High School para magkampeon sa Secondary Girls Division ng Chess Division meet na ginanap sa Liberato Damian Elementary School sa Pasig City nitong Lunes, 12 Disyembre.
Nanaig din si WNM Racasa kontra kina Eloisa Jade Alcantara ng ADT at Denisse Rafol ng Rizal High School sa kanyang first two rounds ng single round robin format.
Dahil sa natamong tagumpay ay nakakuha ng tiket si WNM Racasa para sa National Capital Region chess meet sa susunod na buwan.
Ating magugunita na si WNM Racasa ang nagreyna sa Pasig Alliance of Private School Administrators (PAPRISA) chess championship na ginanap sa Niño Jesus House of Studies sa Pasig City nitong 6 Disyembre.
Kompiyansa si WNM Racasa na mangibabaw sa event na ito tampok ang mga kabataang woodpushers sa pagtala ng perfect seven points tungo sa titulo ng seven-round tournament na ipinatupad ang 20 minutes plus 10 seconds increment time control format.
Ang susunod na torneo ni WNM Racasa ay ang 2022 Batang Pinoy National Championships na tutulak sa 17-22 Disyembre 2022 sa Vigan, Ilocos Sur.
Si WNM Racasa ay nakatakda rin lumahok sa GMG CHESS Open Rapid Chess Tournament sa 31 Disyembre 2022 at sa Sir Herky Del Mundo Memorial Open Rapid Chess Tournament sa 3 Enero 2023, parehong gaganapin sa second floor ng Open Kitchen Foodhall, Rockwell Business Center, Sheridan Street sa Mandaluyong City.
Si WNM Racasa kasama ang kanyang father/coach Roberto, 13-time Philippine Open Champion Grandmaster Rogelio “Joey” Madrigal Antonio, Jr., at National Master Almario Marlon Quiroz Bernardino, Jr., ay naka-schedule rin lumahok sa 2023 Bob Wade Masters and Challengers mula 13-21 Enero sa Howick Community Church Complex sa Auckland, New Zealand. (MARLON BERNARDINO)