ni Marlon Bernardino
Tagaytay City — Nakihati ng puntos si International Master Michael “Jako” Concio, Jr., kontra sa kababayan na si National Master Eric Labog, Jr., tangan ang advantageous white pieces para makapuwersa ng 8-way tie para sa 5th place matapos ang 2nd round ng Asian Juniors and Girls Chess Championship 2022 na ginanap sa Knights Templar Ridge Hotel sa Tagaytay City nitong Linggo.
Ang 17-anyos na si Concio, Grade 12 student ng Dasmariñas Integrated High School ay nakapagpataas ng kanyang kartada sa kabuuang 1.5 points, ganoon din ang iskor na naikamada nina Labog, International Master Raahul V S ng India, International Master Harshavardhan G B ng India, FIDE Master Eldiar Orozbaev of Kyrgyzstan, FIDE Master Arman Hakemi ng Iran, Dziththauly Ramadhan ng Indonesia at National Master Mark Jay Bacojo ng Filipinas.
“Okay lang draw para mapreserba ko lakas ko sa mga susunod na round,” sabi ni Concio na suportado ang kanyang kampanya nina Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga, Mayor Jenny Barzaga, National Coach Fide Master Roel Abelgas, at ng Papadu Sportswear.
Una rito ay giniba ni Concio ang isa pang kababayan na si Aaron Francis De Asas sa first round nitong Sabado.
Nakilala si Concio matapos mag-kampeon sa 2nd Eastern Asia Juniors and Girls Championship na ginanap sa Tanauan, Batangas apat na taon na ang nakalilipas. Nakamit niya rin ang International Master title plus one Grandmaster norms.
Nitong Biyernes, nagkampeon si Concio sa Rapid Competition. Tinalo niya sa last round si International Master Neelash Saha ng India.
Target ni Concio, magkampeon sa nine-round standard tournament na bukas sa lahat ng 20-anyos pababang mga manlalaro para sa kanyang posibleng 2nd sa three norms na kailangan para sa GM title sa event.
Punong abala sina Tagaytay City Mayor/Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino at Cavite Vice Governor/National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Vice President Athena Bryana D. Tolentino na suportado ng Asian Chess Federation (ACF) at ng Philippine Sports Commission (PSC).
Giniba ni top seed International Master Neelash Saha ng India si Fide Master Daniyal Sapenov ng Kazakhstan para manatili sa pagsosyo sa liderato na may tangang perfect 2.0 points kasama ang tatlo pang woodpushers.
Ang iba pang may perfect 2.0 points ay sina International Masters Avinash Ramesh at Chatterjee Utsab ng India at International Master Sugar Gan-Erdene ng Mongolia.
Sa girls section ay iwinasiwas ni top pick WIM Assel Serikbay ng Kazakhstan si WFM Anahita Zahedifar ng Iran tungo sa four-way tie para sa unang puwesto na may perfect 2.0 points para makasama sa liderato sina WIM Ravi Rakshitta ng India, WIM Amina Kairbekova ng Kazakhstan, at WIM Bach Ngoc Thuy Duong ng Vietnam. (MARLON BERNARDINO)