PORMAL na inihain kahapon ng tanghali ang protesta ng Rain or Shine sa 101-100 na pagkatalo nito kontra Barangay Ginebra San Miguel noong Sabado ng gabi sa PBA Governors’ Cup.
Ipinadala ng team manager ng Elasto Painters na si Luciano “Boy” Lapid ang protesta kay PBA Commissioner Chito Salud sa Cuneta Astrodome bago ang mga laro ng liga.
Ayon sa kampo ng ROS, talagang hindi dapat itinawag ng reperi na si Non Quilingen ang krusyal na foul kay Beau Belga sa tira ni Mac Baracael mula sa labas ng arko sa huling 0.3 segundo ng laro.
Naipasok ni Baracael ang tatlo niyang free throw para maipanalo ng Kings ang laro.
“The referee decided the outcome of the game right there,” wika ng team owner ng Painters na si Raymond Yu sa press room ng Smart Araneta Coliseum pagkatapos ng laro.
Kumbinsido si Baracael na talagang na-foul siya ni Belga.
“Natapal niya (Belga) kaunti ang bola tapos tinamaan n’ya ako dito,” ani Baracael.
Sa panig ng import ng ROS na si Arizona Reid, galit siya sa nangyari sa kanyang koponan pero kahit iprotesta ito ng Painters, wala rin itong mapupuntahan.
“What do you gonna do (sa protesta)? Then what happens? What are they (PBA) gonna do? Change the call?” sambit ni Reid. “You gonna call that (foul)? I know they (Gin Kings) are fighting for their life, but don’t cheat. Of course, I’m not happy with the result because we fought hard.”
(James Ty III)