NAGTALA ng kasaysayan ang National University (NU) Cheer Squadron sa kanilang pagwawagi sa 2013 UAAP Cheer Dance Competition, sa una nilang panalo sa inaabangang annual showcase ng UAAP pep squads.
Ginamit ng NU Cheer Squadron sa kanilang routine ang “Aladdin and the Arabian Nights” at “The Prince of Egypt” na halos perpekto nilang naisagawa.
Umaabot sa 20,830 tagahanga ang dumalo sa nasabing event sa Mall of Asia kahapon, at pinanood ang pagdating ng new power sa Cheer Dance Competition na dati ay pinangingibawan ng University of the Philippines (UP) at University of Santo Tomas (UST).
Unang lumahok ang NU Cheer Dance Squadron noong 2012 edition ng paligsahan, sa kanilang Disney-inspired routine na nakapagbigay sa kanila ang pangatlong karangalan.
Higit pa nilang pinagbuti ang kanilang lahok na ikinamangha ng mga manonood sa MOA area bunsod ng kanilang compex stunts at daring tosses, habang sinasabayan ng kanilang galing sa pagsayaw.
Ang kanilang pagsusumikap ay ginawaran ng mga hurado ng 696.5 points, at naiuwi ang NU Cheer Squadron ng top prize na P340,000.
Pangalawa naman ang nagwagi nitong nakaraang taon, ang UP Pep Squad, na ang routine ay nagkaroon ng tatlong major falls. Gayunman, ang kanilang themed performance ay nagtamo pa rin ng oohs at aahs mula sa mga manonood.
Nagtamo naman ng UP Pep Squad ang 620.5 points at tumanggap ng P200,000 prize.
Samantala, ang De La Salle Animo Squad naman ang nakakuha ng pangatlong gantimpala sa 596.5 points at tumanggap ng P140,000.