HINDI magdadalawang isip si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na hilingin sa Senate Blue Ribbon Committee na padalhan ng subpoena si Executive Secretary Victor Rodriguez kung hindi darating sa pangatlong hearing uukol sa isyu ng sugar fiasco ngayong araw, 6 Setyembre.
Tahasang sinabi ng Senador, hindi dapat gamiting dahilan ang State Visit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., para hindi dumalo sa pagdinig ng senado si Rodriguez ukol sa sugar fiasco na nag-ugat sa kontrobersiyal na Sugar Order No. 4 matapos itong itanggi ng Palasyo.
Magugunitang sumulat si Rodriguez kay Blue Ribbon Committee chairman, Senador Francis Tolentino na hindi umano makadadalo sa pagdinig ngayong araw ng Martes, 6 Setyembre, dahil abala para sa State Visit ni FM, Jr.
Gayonman, nitong 2 Setyembre, sa inilabas na Special Order 75 ng Palasyo, hindi si Rodriguez kundi si Vice President Sara Duterte ang itinalagang Officer-In- Charge (OIC) ng bansa habang wala ang Pangulo.
Hindi rin kasama si Rodriguez sa entourage ng State Visit ng Pangulo sa Indonesia.
Payo ni Pimentel kay Rodriguez, kung ayaw niyang dumalo nang personal, puwede siyang humarap sa pagdinig kahit virtually katulad ng ginagawa ng ibang resource persons.
Hindi lamang si Pimentel kundi maging si Senadora Risa Hontiveros ay hindi kombinsido na walang kinalaman si Rodriguez sa kontrobersiyal na Sugar Order No. 4.
Samantala pinuna ni dating Presidential Legal adviser at spokesperson Salvador Panelo ang sinabi ni Press Secretary Rose Beatrix Cruz-Angeles, na wala umanong alam si Rodriguez sa SO 4, dahil isa itong maling pahayag.
Tinukoy ni Panelo, sa pagharap sa senado ni Roriguez, maliwanag sa sikat ng araw na pag-amin ito na nakatanggap siya ng SO 4 draft copy. Itinuturing din ni Panelo na misleading, reckless, at irresponsible ang naging pahayag ni Angeles na si dating Department of Agriculture (DA) Undersecreatry Leocadio Sebastian at mga miyembro ng SRA ang responsable sa ‘lumabas’ na SO4.
Ipinunto ni Panelo, tila nakalimutan ni Angeles, sa July 15, 2022 Memorandum na ipinalabas ni Rodriguez na nakasaad ditong binibigyan ng kapangyarihan at awtoridad si Sebastian. (NIÑO ACLAN)