NAPIGIL ng pulisya sa lalawigan ng Pampanga ang pagkalat ng milyong pisong halaga ng ilegal na droga matapos maaresto ang tatlong malalaking tulak sa lungsod ng Mabalacat, nitong Lunes, 1 Agosto.
Kinilala ni P/Col. Alvin Consolacion, acting provincial director ng Pampanga PPO, ang mga arestadong suspek na sina Visitacion Ornido, 47 anyos, ng Brgy. Pulung Maragul, Angeles City; Nympha Compahinay, 50 anyos, at Renato David, 58 anyos, kapwa ng Brgy. Dau, Mabalacat City.
Nasukol ang tatlo sa Brgy. Dau sa ikinasang drug buy bust operation ng mga elemento ng Mabalacat CPS at RPDEU 3 na pinamunuan ni P/Lt. Col. Protom Guevarra, acting chief of police.
Nakompiska mula sa mga suspek ang walong selyado at isang nakataling pakete ng plastik ng hinihinalang shabu, may timbang na 250 gramo at tinatayang nagkakahlaga ng P1,700,000; buy bust money; at iba pang piraso ng ebidensiya.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Mabalacat City Prosecutors Office. (MICKA BAUTISTA)