SINALAKAY ng mga awtoridad ang isang pinaniniwalaang drug den sa lungsod ng Cabanatuan, sa lalawigan ng Nueva Ecija, na nagresulta sa pagkakadakip ng limang hinihinalang mga tulak nitong Biyernes, 29 Hulyo.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng PNP DEG SOU3, matatagpuan ang drug den sa Rizal 2, Brgy. Dicarma, sa nabanggit na lungsod, na sinalakay sa pagtulungan ng Nueva Ecija PPO at Cabanatuan CPS.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Alex Salandanan, alyas Rambo, 50 anyos, maintainer ng drug den; Wilson Pantalunan, alyas Willy, 47 anyos; Joey Valdez, 23 anyos; at Patrick Martin, 24 anyos; habang patuloy na pinaghahanap si Eric Diño, pawang mga residente sa naturang lugar.
Nakompiska mula sa mga suspek ang apat na selyadong pakete ng plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na 15 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P102,000; drug paraphernalia; at P1000 buy bust money.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 13, 14 at 15 ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)