MANILA–Pinangunahan nina Grandmaster Rogelio “Banjo” Barcenilla, Woman International Master Ummi Fisabilillah at International Master Angelo Abundo Young ang Laguna Heroes tungo sa 15-6 panalo laban sa Manila Indios Bravos chess team na binanderahan ni GM Guillermo Colman Vasquez sa pagpapatuloy ng Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) tournament virtually na ginanap sa Chess.com Platform nung Miyerkoles.
Si Barcenilla, na ilang beses nagkampeon sa Battle of the GMs ay giniba si National Master Rolando Andador sa 28 moves ng English Opening Anglo Dutch Defense habang si Young, isang eight-time Illinois USA Champion ay nakaungos kay Dr. Jenny Mayor sa 36 moves ng Sicilian defense, Alapin variation at winasiwas naman ni Fisabilillah si Woman Candidate Master Mira Mirano sa 53 moves ng Modern defense.
Ang Heroes ay suportado ng Jolly Smile Dental Clinic, KALARO, Greatech Philippines, Inc., SDC Global Choice Foods and AC Balinas Construction at ng Steel Works.
Kasama rin na nagkamada ng puntos sa Laguna sa rapid event sina Arena Grandmaster Kimuel Aaron Lorenzo at Christian Nanola at draw naman ang laban ni Vince Angelo Medina.
Pinayuko ni Lorenzo si Alji Cantonjos sa 48 moves ng London System Opening, pinigil ni Nanola si Candidate Master Genghis Katipunan Imperial sa 43 moves ng Queens Pawn Opening at tabla si Medina kay International Master Ronald Dableo sa 23 moves ng Trompovsky Opening.
Si GM Guillermo Colman Vasquez ang nagtala ng full point sa Manila matapos daigin si Fide Master Austin Jacob Literatus sa 51 moves ng Nimzowitsch-Larsen Attack, Classical variation.
Matapos ang blitz encounter tungo sa 4-3 na panalo ng Laguna ay kumamada si Barcenilla sa rapid, para makopo ang 11-3 panalo.
Una nang nagwagi ang Laguna sa Cagayan Kings na may parehong 15-6.
Matapos manalo sa blitz category, 6-1, ay winasiwas ng Laguna ang Cagayan, 9-5, sa rapid event. Si Fisabilillah ay may 6/6 record nung Miyerkoles ng gabi.
-Marlon Bernardino-