PINASALAMATAN ni Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Miyerkoles ang umaapaw na suportang patuloy niyang natatanggap mula sa kanyang mga kaibigan at tagasuporta.
Ayon kay Lacson, tumatakbo sa pagkapangulo sa ilalim ng Partido Reporma, mahirap makakuha ng pondo sa ngayon at ipinagpapasalamat niya ang patuloy na pagdating ng mga kontribusyon mula sa kanyang mga kakilala’t kaibigan.
“Now that campaign funds are supposed to come by hard and seldom, old and new friends and true believers in our fight for good governance and against the evils of corruption volunteer their support by contributing to our campaign. I couldn’t thank them enough,” ani Lacson sa kanyang Twitter account.
Sa isang presscon sa Maddela, Quirino, ibinahagi ni Lacson, marami a kanyang mga kaibigan ang patuloy na tumatawag sa kanya at nagbibigay ng campaign donations sa kabila ng kanyang mababang ranking sa surveys.
Aniya, hindi niya ugaling tumawag sa mga kaibigan para manghingi ng kontribusyon.
“‘Di ba mga contributors lalo ang traditional, they always contribute sa tingin nilang siguradong panalo at alam nilang medyo nahirapan, teka muna. Ang iba ayaw na, nawalan ng enthusiasm,” saad ni Lacson.
Dagdag ng presidential aspirant, ang tunay na survey ay mangyayari sa May 9.
“That’s the ugly side of surveys. And surveys are not elections. Last time I heard, elections are on May 9,” sabi ng senador. (NIÑO ACLAN)