TAHASANG sinabi ni presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson, ang survey ay hindi eleksiyon, matapos hingan ng reaksiyon ukol sa resulta ng pinakahuling survey.
Ayon kay Lacson ang eleksiyon sa 9 May 2022 ang totoong survey dahil mismong ang taongbayan at lahat ng mga botante ang lalahok.
Iginiit ni Lacson, hindi siya nababahala o natatakot sa lumalabas na resulta ng survey dahil ang mas mahalaga sa kanya ay maipaabot sa taongbayan ang plataporma de gobyerno ng tambalang Lacson-Sotto.
Ipinunto ni Lacson, ang naturang survey ay ibang-iba kapag nakahahalubilo at nakakausap niya ang mga mamamayan.
“I’m not bothered at all simply because the numbers, I feel on the ground are different from what surveys indicate,” ani Lacson.
Naniniwala si Lacson, sapat na ang kanyang mga sinabi at mga sinagot na tanong sa mga nilahukan niyang mga forum at presidential debates para makilala siya nang lubusan ng taong bayan.
Ngunit sinabi ni Lacson, walang makahahadlang upang hindi siya magpatuloy sa pangangampanya at mag-ikot at kausapin ang mga mamamayan at botante hanggang sa pagsapit mismo ng halalan.
Binigyang-linaw ni Lacson na hindi niya kinukuwestiyon ang kredibilidad ng bawat survey ngunit hindi naman aniya ito kumakatawan sa mismong mayoryang botante ng ating bansa. (NIÑO ACLAN)