HINDI na kinailangan pang magladlad ng mga tarpaulin ang tambalang Lacson-Sotto sa pagdalaw nila sa lungsod ng Pasig dahil ramdam na ramdam nila ang suporta mula sa pamunuan at mga mamamayan nito.
Bagama’t ibang partido ang kinaaniban, mainit na sinalubong ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang Lacson-Sotto tandem nang magbigay ng kortesiya sa tanggapan ng alkalde sa Pasig City Hall.
Si Mayor Sotto at Lacson ay may parehas na krusada — sugpuin ang korupsiyon dahil sa ilalim ng kasalukuyang sitwasyon ng bansa, hindi na uubrang mapingasan ang kaban ng bayan ng mga mapagsamantalang nasa puwesto.
Tumagal nang mahigit isang oras ang courtesy call nina Lacson at Sotto kay Mayor Vico.
Kasama rin dumalaw sa alkalde ang ama nitong si Vic Sotto na noong una pa man ay deklarado nang tagapagtaguyod ng Lacson-Sotto tandem.
Sina Lacson at Sotto ay matigas na naninindigan na ang bansa ay nangangailangan ng totoong mga pinunong panggera bunga ng iba’t ibang krisis na dulot ng pandemya at umiinit na digmaan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Matapos ang courtesy call, ang tambalang Lacson-Sotto at kanilang mga tagasuporta ay naglayag sa Pasig River lulan ng Pasig Ferry, isang uri ng transportasyon na sinasabing tugon sa malubhang trapiko sa kalsada. (NIÑO ACLAN)