NAGLIYAB na parang apoy ang kulay ng mga Manilenyo sa ginanap na caravan ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Manila mayorality candidate Atty. Alex Lopez.
Halos nagkulay pula ang buong Maynila sa ginanap na caravan at hindi na rin napigilan ang ibang Manilenyo na lumabas ng kanilang bahay para masilayan ang mukha, ngiti, at kaway nina Marcos at Lopez.
Bagamat marami ang marshalls na nagpapatupad ng kapayaan at patuloy na nagpapaalala sa mga safety protocol ay hindi rin napigilan ang magsiksikan , magtulakan, at maghiyawan nang masulyapan sina Marcos at Lopez.
Hindi nakontrol ang paglabas sa kalye ng mga bata, matatanda, at ilang may kapansanan.
Nagmistulang piyesta ang caravan sa bawat kanto ng kalye nang salubungin sina Marcos at Lopez, hindi lang ng isa, dalawa, o tatlong tumutugtog na ati-atihan.
Lubhang nahirapan ang security measure na ginawa ng team ni mayoralty candidate Alex Lopez lalo na’t ang ilang kalyeng dinaaan ng caravan ay makikitid.
Dumalo sa Caravan ang tandem ni Lopez na si vice mayorality candidate Raymond Bagatsing, gayondin sina congressman Karlo Lopez, congresswoman Naida Angping at buong slate ni Lopez.
Nasa Caravan ang senatoriables na sina reelectionist Senator Win Gatchalian at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Maging si Senador Ramon Revilla, Jr., ay sumama sa caravan bilang bahagi ng Agimat Party-list.
Hindi nakadalo sa caravan si UniTeam vice presidential candidate, Presidential daugther at Davao City Mayor Sarah Duterte dahil sa conflicting schedules.
Tiniyak ni Lopez, magkakaroon din ng caravan kasama si Duterte sa hiwalay na araw habang ang lahat ay pinaplantsa ng kanilang grupo.
Ayon kay Atty. Lopez, pula ang kulay ng dugo ng bawat Manilenyo kaya sumama at nakiisa para salubugin ang tunay na pagbabago para sa lahat ng Filipino.
Samantala, kompiyansa ang BBM-Sara UniTeam na solusyon ang pagkakaisa para maisalba ang lumalalang kahirapan sa bansa.
Nais ni BBM at Sara, imbes magsiraan at mag-away-away, mas magandang magsama-sama ang lahat para labanan ang kahirapan.
At kung sakaling mapagtagumpayan ang darating na halalan at bigyan ng pagkakataon na maging presidente, tinitiyak ni Marcos, wawakasan niya ang paghiwa-hiwalay at paghahati-hati dahil sa politika.
Taliwas umano ito sa tunay na ugali ng mga Filipino na mababait, magagalang, at matulungin.
(NIÑO ACLAN)