KALABOSO ang anim na hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang magkapatid na bebot matapos makuhaan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa mga lungsod ng Valenzuela at Malabon.
Sa ulat ni P/Cpl. Christopher Quiao kay Valenzuela police chief, Col. Ramchrisen Haveria, Jr., dakong 11:00 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa C. Molina St., Brgy. Viente Reales, nagresulta sa pagkakaaresto kay Jeffrey Diaz, alyas Boss, 36 anyos, residente sa nasabing lugar.
Nakompiska kay Diaz ang tinatayang nasa 30 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P204,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, at 15 pirasong P500 boodle money, cellphone, at coin purse.
Sa Malabon, dakong 3:00 am nang matimbog ng mga operatiba ng Malabon Police SDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Albert Barot, sa buy bust operation sa Pinagtipunan Circle kanto ng Santol Road., Brgy. Potrero ang magkapatid na sina Ester, alyas Teru, 37 anyos, Sharon Dela Cruz, alyas Shawie, 31 anyos, at Benjie Gardoce, alyas Bebe, 23 anyos, pawang mga residente sa Caloocan City.
Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang 9 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P61,200 at P500 marked money.
Nauna rito, dakong 9:30 pm nang masakote ng kabilang team ng SDEU si Adrian Besin, 24 anyos, delivery rider, at Christer Olajay, alyas Terry Boy, 18 anyos, kapwa residente sa Caloocan City, sa buy bust operation sa M.H Del Pilar St., Brgy. Tugatog.
Sa ulat ni P/MSgt. Randy Billedo, nakukha sa mga suspek ang tinatayang nasa pitong gramo ng hinihinalang shabu, may Standard Drug Price (SDP) na P47,600 at P500 marked money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)