NASUKOL ang kabuuang 21 katao kabilang ang tatlong hinihinalang rapist sa iba’t ibang operasyong ikinasa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang Miyerkoles ng umaga, 1 Disyembre 2021.
Sa ulat kay P/Col. Manuel Lukban, Jr., acting provincial director ng Bulacan PNP, dinampot ang siyam na drug suspects sa mga serye ng anti-illegal drug operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga police stations ng Sta. Maria, Plaridel, San Rafael, at San Jose Del Monte.
Kinilala ang mga suspek na sina Jomari Cruz, ng Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria; Jezel De Castro ng Tandang Sora, Quezon City; Wilson Villafuerte ng Brgy. Guyong, Sta. Maria; Albert Avendaño, Allan Rei Avendaño at Juan Josef Vento, pawang taga-Brgy. Poblacion, Plaridel; Jowell Cataniag ng Brgy. Muzon, San Jose del Monte; Elmer De Guzman ng Brgy. Tiaong, Guiguinto; at Mark Johnrey Almoguera ng Brgy. Burol 2nd, Balagtas.
Nasamsam sa mga suspek ang 46 pakete ng hinihinalang shabu at buy bust money na dinala, kabilang ang mga suspek, sa Bulacan Crime Laboratory para sa pagsusuri.
Gayondin, nadakip ang limang indibiduwal habang nasa akto ng pagsusugal ng tong-its sa anti-illegal gambling operation na inilatag ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) at Baliuag MPS sa Brgy. Concepcion ng nasabing bayan.
Kinilala ang mga suspek na sina Ma. Florie Cruz, Erick Marcelo, Reychel Fernando, Ma. Fatima Tadeo, pawang mula sa Brgy. Concepcion; at Mary Rose Alay-ay ng Brgy. Tiaong, parehong sa bayan ng Baliuag.
Nasamsam ang dalawang kubyerta (deck) ng baraha at perang taya sa sugal sa iba’t ibang denominasyon.
Samantala, inaksiyonan ng mga himpilan ng Bocaue, Sta. Maria, at San Jose del Monte PNP ang dalawang kaso ng “violence against women” na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek na kinilalang sina Dominador Guerero, security guard ng Palmera Northwinds, San Jose del Monte, sa kasong Rape; Salvador Joaquico ng Brgy. Siling Bata, Pandi sa kasong paglabag sa RA 9262 (Physical Abuse); at Renato Dando, Jr., ng Brgy. Batia, Bocaue sa kasong paglabag sa RA 9262 (Physical, Psychological and Economic Abuse).
Sa manhunt operation na isinagawa ng San Ildefonso MPS, Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Oas PS, Albay, naaresto si Rizaldy De Guzman, Municipal top 1 most wanted person (MWP) sa Oas, Albay, tubong Albay, kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Poblacion, San Ildefonso, Bulacan akusado sa krimeng Rape. Walang itinakdang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Nasakote rin ang tatlong puganteng matagal nang pinaghahanap ng batas sa iba’t ibang operasyong inilatag ng Guiguinto MPS, San Jose del Monte CPS, 1st & 2nd PMFC BULPPO, 301st MC RMFB-3, 24th Special Action Company (SAF), PHPT Bulacan at 3rd SOU-Maritime Group.
Kinilala ang mga suspek na sina Symon Pagsolingan ng Brgy. Citrus, San Jose del Monte, arestado sa kasong Rape (2 counts), Sexual Assault at Acts of Lasciviousness kaugnay sa RA 7610; Joginder Gill, Indian National, residente sa Brgy. San Manuel, San Jose del Monte, sa paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004); at Rica Garay ng Brgy. Tiaong, Guiguinto para sa krimeng ‘Abandoning of Minor.’
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting units ang mga suspek para sa naaangkop na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)