INARESTO ng mga awtoridad ang isang kawatan ng motorsiklo at apat na pugante sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya laban sa krimen sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Martes ng umaga, 30 Nobyembre.
Kinilala ni P/Col. Manuel Lukban, Jr., acting provincial director ng Bulacan PNP, ang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo na si Reynaldo Lozada, ng Brgy. Pulong Buhangin, bayan ng Sta. Maria,s a naturang lalawigan.
Nabatid na tinangay ni Lozada ang tricycle ng hindi pinangalanang biktima na nakaparada sa labas ng kanyang bahay sa Brgy. Poblacion, sa nabanggit na bayan, saka tumakas sa hindi pa malamang direksiyon.
Kalaunan, nakatanggap ang biktima ng impormasyong ang kanyang tricycle ay nakita sa Brgy. Pulong Buhangin na nagresulta sa agarang pagkilos ng mga tauhan ng Sta. Maria MPS at agad naaresto ang suspek kasunod ng pagkarekober sa tinangay niyang tricycle.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Sta.Maria MPS Jail at inihahanda ang kasong kriminal na ihahain laban sa kanya sa korte.
Samantala, nadakip ang dalawang wanted persons sa ikinasang manhunt operations ng tracker teams ng San Miguel Municipal Police Station (MPS).
Kinilala ang mga pugantenng suspek na sina Edgar Donaire, alyas Intsik, top 8 MWP; at Napoleon Estosane, alyas Tom, top 9 MWP, kapwa mga residente sa Brgy. Camias, San Miguel, may mga kasong Murder.
Kasunod nito, nasakote rin ang dalawa pang pinaghahanap ng batas sa magkahiwalay na manhunt operations na isinagawa ng mga tauhan ng Bocaue MPS, San Jose del Monte CPS, 1st & 2nd PMFC, 301st MC RMFB3, 24th Special Action Company (SAF), PHPT Bulacan at 3rd SOU-Maritime Group.
Kinilala ang natiklong mga suspek na sina Mylene Punzalan ng Brgy. Fatima V, San Jose del Monte, sa kasong paglabag sa BP 22 (Anti-Bouncing Check Law); at Romeo Chew ng Brgy. Taal, Bocaue, sa paglabag sa PD 1865 (Illegal Trading in Petroleum and/or Petroleum Products).
Kasalukuyan nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting units ang mga suspek para sa naaangkop na disposiyon. (MICKA BAUTISTA)