ARESTADO ang isang lalaking may kabit-kabit na warrants of arrest at itinuturing na top 1 most wanted person ng lungsod ng Olongapo matapos magtago ng apat na taon sa isinagawang manhunt operation sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 13 Nobyembre.
Kinilala sa ulat ni P/Col. Manuel Lukban, Jr., acting provincial director ng Bulacan PPO, ang nadakip na suspek na si Alexander Olivar, 39 anyos, kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Narra, sa nabanggit na lungsod.
Dinampot si Olivar ng mga operatiba ng Warrant Section at Intelligence Section ng San Jose del Monte CPS, 301st MC RMFB3, CIU-OCPO, PS1-OCPO, PS6-OCPO 1st PMFC Bulacan PPO, 2nd PMFC Bulacan PPO, 24th Special Action Company (SAF), PHPT Bulacan, at 3rd SOU-Maritime Group sa inilatag na manhunt operation sa naturang lugar.
Napag-alamang si Olivar ay mayroong kabit-kabit na warrants of arrest para sa kasong Rape (Criminal Case No. 2017-164FC); dalawang bilang ng kasong Rape (Criminal Case No. 2017-163FC); tatlong bilang ng paglabag sa Lascivious Conduct sa ilalim ng Sec. 5 (b) ng R.A. 7610 (Criminal Case No. 2017-162FC); at apat na bilang ng paglabag sa Other Acts of Child Abuse sa ilalim ng Sec. 10 (a) ng RA 7610 (Criminal Case No. 2017-161FC), lahat ay inisyu ni Presiding Judge Ma. Cristina J. Mendoza-Pizarro ng Olongapo City RTC Branch 73, may petsang 7 Disyembre 2017.
Apat na taong nagtago sa batas si Olivar at nagpalipat-lipat ng lugar hanggang maaresto sa Bulacan.
(MICKA BAUTISTA)