SEGURADO sa tambalang Mayor Francissco “Isko Moreno” Domagoso at Dr. Willie “Doc Willie” Ong ang pagpapabuti ng kalagayan ng mga ospital, kasama rito ang pagtaas ng kalidad ng mga pasilidad, at panukalang gawing mas abot-kayang serbisyong medikal para sa lahat ng mamamayan.
Isa ito sa mga layunin ni Doc Willie matapos matambad ang kalagayan ng mga provincial hospitals nang personal na bisitahin ang San Miguel District Hospital kaya lalong napagtibay ang kanyang naisin na iangat ang serbisyong medikal na nararapat para sa mga Filipino.
Kasama rito, binanggit ni Doc Willie ang pangangailangan ng mas murang gamot at mas maigting na pagsuporta sa health workers para tuluyang umangat ang antas ng kalusugan sa bansa.
Dahil dito tiniyak ni Ong, sa sandaling sila ay maluklok ni Yorme matapos ang halalan sa 2022 elections ay maaaring ipahawak din sa kanya ang pagiging kalihim ng Department of Health (DOH) nang sa ganoon ay maibahagi niya ang kanyang kaalaman at mga karanasan bilang doktor na nauunawaan kung paano maibibigay ang sapat at tamang serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan.
Aminado si Ong, hindi matagumpay ang pamahalaan sa pagtugon sa CoVid-19 kung kaya’t higit itong bibigyang pansin ng kanilang tambalan upang makaungos ang bansa sa pandemya at tuluyang makabawi ang ekonomiya.
Ipinunto ni Ong, magandang ehemplo ang tagumpay ni Yorme sa Maynila sa pagtugon sa CoVid-19 at usaping pangkalusugan ng mga mamamayan sa lungsod dahil sa kanyang katuwang na isang doktor sa katauhan ni Vice Mayor Honey Lacuna.
Dahil dito, naniniwala si Ong, sa sandaling magtagumpay silang dalawa ni Yorme ay tiyak na mabibigyang prayoridad ang kalusugan sa bansa.
Binanggit din ni Doc Wille na nais niyang maiangat sa level 2 o maging level 1 ang lahat ng pampublikong ospital sa buong bansa para makapagbigay ng tama at wastong serbisyong medikal sa mga mamamayan.
Samantala nagpakita ng buong suporta sa kandidatura ng tambalang Yorme Isko at Doc Willie ang tambalang Mayor Gazo Galvez at Vice Mayor Ven Lipana ng San Ildefonso, Bulacan at ang grupo ni dating San Miguel Rep. Boji Cabochan kasama ang kanyang anak na si Jiboy Cabochan na tumatakbo bilang alkalde ng bayan.
Nagpakita rin ng suporta sa tambalang Isko at Ong ang ilang grupo ng mga magsasaka , uring manggagawa, mga kabataan, senior citizens, barangay leaders, at ilang riders group sa isang town hall meeting na ginanap sa San Miguel, Bulacan.
Lubos ang pasasalamat ng tambalang Yorme at Doc Willie sa mainit na pagtanggap sa kanila ng mga maamamayan at ilang opisyal ng San Ildefonso at San Miguel sa lalawigan ng Bulacan. (NIÑO ACLAN)