NAAKTOHAN ang dalawang misis kabilang ang tatlo pang kasamahan nito habang sarap na sarap sa pagsinghot ng hinihinalang shabu sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Lt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela City Police ang mga naarestong suspek na kinilalang sina Leonora Sioco, alyas Wewen, 47 anyos, Helen Domingo, 52 anyos, Melvin Cabuyao, 41 anyos, factory worker, Enrico San Juan, alyas Bunso, 43 anyos, at ang foreman na kinilalang si Jiolito Ursal, 54 anyos.
Batay sa ulat ni SDEU investigator Pamela Joy Catalla kay Valenzuela City police chief Col. Ramchrisen Haveria, Jr., dakong 1:15 am nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU ng validation matapos ang natanggap na tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na illegal drug activities sa Block 3 Lot 8, Mansanas St., Brgy. Balangkas ng nasabing lungsod.
Dito, naaktohan ng mga operatiba ang mga suspek na sumisinghot ng shabu sa loob ng bahay ni Domingo, dahilan upang sila’y arestohin.
Nakompiska sa mga suspek ang tinatayang dalawang gramo ng hinihinalang shabu, nasa P13,600 ang halaga, ilang drug paraphernalia, 5 cellphones at P220 cash.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(ROMMEL SALES)