5 natimbog sa Bulacan (Higit P8.1-M ‘damo’ nasamsam)
NAKOMPISKA ang tinatayang P8.1-milyong halaga ng marijuana habang arestado ang lima katao sa ikinasang anti-illegal drugs operations ng Bulacan Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang lead unit, Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU), at mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos City Police Station (CPS) sa lungsod ng Malolos, nitong Miyerkoles ng hapon, 28 Abril.
Sa ulat mula sa Bulacan PDEA, kinilala ang limang suspek na sina John Patrick Milan, alyas Wang, ng Brgy. San Isidro, Paombong; Kevin Paul Jose ng Brgy. Wawa, Balagtas; Mispa Jamsen ng Brgy. Sumapang Matanda; Jayson Justiniano ng Brgy. Guinhawa; at Enrick Justin, mula sa Brgy. Mojon, pawang sa lungsod ng Malolos, na nadakip matapos magbenta ng tuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,000 sa poseur buyer.
Kasunod nito, nakompiska mula sa mga suspek ang kabuuang 68 kilo ng dahon ng marijuana na tinatayang may street value na P8,160,000.
Dinala ang mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Crime Laboratory para sa pagsusuri samantala ang mga suspek na nakakulong na ngayon ay sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5, 11, at 26 ng Article II ng 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 na ihahain sa City Prosecutor’s Office, sa nabanggit na lungsod. (MICKA BAUTISTA)