2nd dose rollout ng Sinovac sinimulan na (Sa SJDM health workers)
NAGSIMULA na ang lungsod ng San Jose del Monte (SJDM) sa lalawigan ng Bulacan, ng pagbabakuna ng ikalawang dose sa kanilang health workers.
Ayon kay Dr. Roselle Tolentino, City Health Officer ng lungsod, bukod sa second dose ng bakuna ng Sinovac ay itinuloy din nila ang vaccination sa mga hindi nabakunahang health workers dahil sa iba’t ibang dahilan.
Ani Dr. Tolentino, target nilang mabakunahan ang 4,000 frontline health workers ng lungsod.
Mayroon na rin aniyang senior citizens na nabigyan ng CoVid-19 vaccine at hinihintay na lamang ang mga bakuna para sa A2 priority o nakatatanda.
Dagdag ng city health officer, nagpapatuloy pa rin ang kanilang master listing para sa mga nasa kategoryang A3, A4, at A5 na handang magturok at hinihintay na lamang ang pagdating ng karagdagang bakuna.
Bago bakunahan, sumasailalim muna sa antigen swab test ang isang indibiduwal upang matiyak na hindi siya positibo sa CoVid-19 bago tumanggap ng bakuna.
Ayon kay SJDM City Mayor Arthur Robes, sagot ng pamahalaang lokal ang antigen swab test ng mga magpapabakuna na bahagi rin aniya ng kanilang mass testing sa lungsod.
Idinagdag ni Dr. Tolentino, boluntaryo para sa mga magpapabakuna ang antigen swab pero lahat aniya ay nais na rin mag-avail nito.
Gayonman, para sa medical frontliners, kailangan muna sila magpa-antigen swab bago mabigyan ng vaccine at ang magpopositibo ay isinasailalim sa RT-PCR test saka dinadala sa isolation facility ng lungsod habang hinihintay ang resulta nito.
Naglaan umano ng inisyal na P100-milyong pondo para pambili ng bakuna. (MICKA BAUTISTA)