NAILIGTAS ng mga awtoridad ang 3-anyos batang babae sa bayan ng Bocaue, sa lalawigan ng Bulacan mula sa kalupitan ng sariling ama na bina-blackmail ang damdamin ng overseas Filipino workers (OFW) na kanyang live-in partner sa pamamagitan ng pagbitin sa kanilang anak.
Sa ulat mula sa Bocaue Municipal Police Station (MPS) na ipinadala kay Bulacan police director P/Lt. Col. Lawrence Cajipe, kinilala ang suspek na si Ferdie Tamondong, residente sa Brgy. Batia, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na dinakip si Tamondong matapos ibitin ang 3-anyos anak na babae habang ka-video call ang kinakasamang nasa ibang bansa na nagdulot ng emosyonal na pagkabahala sa ginang.
Sa ulat, sinabing ginagawa ng suspek ang pagmaltrato sa anak dahil sa depresyon mula nang mapalayo ang kanyang live-in partner upang magtrabaho sa ibayong dagat.
Nakarating ang insidente sa mga opisyal ng Brgy. Batia kaya nakipag-ugnayan sila sa tanggapan ng Bocaue MPS at Municipal Social Welfare and Development (MSWD) na agad nagkasa ng rescue operation.
Nagresulta ito sa pagsagip sa batang biktima at pagdakip sa amang nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 7610 (Child Abuse Law) at paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence against Women and Their Children).
(MICKA BAUTISTA)