TINIYAK ni Senator Christopher Bong Go na tutulungan niya ang pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Ann Daynolo na natagpuang patay sa Abu Dhabi matapos mabalitang missing sa loob ng 10 buwan.
Ayon kay Go, gagawin niya ang lahat para matulungan ang pamilya na makamit ang hustisya dahil ayaw niyang may kababayan na inaapi o pinapatay sa ibang bansa.
Ani Go, nakakalungkot isipin ang lungkot na dinaranas ng mga OFW sa kanilang pansamantalang paglayo sa kanilang mahal sa buhay para lamang mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang pamilya.
Ang ganitong mga insidente ang dahilan kaya isinusulong umano ng senador ang pagtatatag ng Department of Overseas Filipinos (DOFIL) na isa rin sa priority ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga nakalipas na State of the Nation Address (SONA).
Giit ni Go, panahon nang magkaroon ng sariling departamento ang napakalaking sektor ng mga OFW na mayroong cabinet-level na namumuno.
Si Daynolo ay nagtatrabaho bilang receptionist sa isang hotel sa Abu Dhabi bago napabalitang nawawala hanggang matagpuan ang bangkay nito.
(NIÑO ACLAN)