ARESTADO ang isang mister na nang-agaw ng baril ng isang pulis at tinangkang paputukin nang tatlong beses pero nabigo nang masakote matapos sumibat sa checkpoint sa Caloocan city, kamakalawa ng gabi.
Pinalad ang suspek na walang suot na helmet na kinilalang si Bright Crisostomo, 20 anyos, residente sa Mabalacat St., 6th Avenue, Barangay 111, dahil hindi siya pintukan ng kabaro ng inagawan niya ng baril.
Dakong 8:40 pm nang takbohan ni Crisostomo ang police checkpoint sa kanto ng M.H. Del Pilar at 6th Avenue streets kaya hinabol ng mga pulis.
Agad nakorner nina P/Cpl. Ram Jorge Venturina at Pat. Emmanuel Gomez, Jr., ng East Grace Park Police Sub-Station 2 pero nang arestohin ang suspek ay nanlaban at sapilitang inagaw ang service firearm ni Cpl. Venturina.
Itinutok ng suspek ang baril kay Venturina at tatlong beses na kinalabit ang gatilyo habang nagsasalita na “Pu..ina mo, papatayin kita,” ngunit nasa safety mode ang baril kaya’t hindi ito pumutok.
Kaagad sinunggaban ni Pat. Gomez ang baril hanggang madisarmahan ang suspek saka pinosasan.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Samuel, iniharap ang suspek sa inquest proceedings sa Caloocan City Prosecutor’s Office sa kasong frustrated murder at paglabag sa Article 151 o Disobedience of Lawful Orders of Persons in Authority or their Agents. (ROMMEL SALES)