KAHIT mababa na ang tubig ng Bustos dam, hindi pa din maisara ang rubber gate nito, sa bayan ng Bustos, lalawigan ng Bulacan, dahil sa nakabarang mga sanga at mga troso na inanod matapos manalasa ang bagyong Ulysses.
May hinala ang Water Control Coordination Unit na galing ito sa illegal logging sa mga katabing bundok ng dam.
Hindi umano karakang matanggal ng dam management ang mga nakabarang sanga at troso dahil iniiwasan nila ang pagkasira ng rubber gate.
Tantiya ng pamunuan ng dam, tatagal pa nang ilang linggo ang clearing operations kaya makararamdam pa rin ng pagbaha ang ilang lugar sa Bulacan.
Sinabi ng dam management na oras na matanggal nila ang mga sanga at troso ay itu-turnover nila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). (MICKA BAUTISTA)