ARESTADO ang tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) employee na nakompiskahan ng mahigit sa P.8 milyong halaga ng ilegal na droga sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ronaldo Ylagan, dakong 3:30 pm nang isagawa ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan, Jr., ang buy bust operation laban kay Alex Clemente alyas Buboy, 42 anyos, sa kanyang bahay sa #124 Magtanggol St., Barangay 29 sa nasabing lungsod.
Nagawang makabili sa suspek ng P15,000 halaga ng shabu ng poseur buyer na si P/Cpl. Brian Emilson Celeste nang tanggapin ni Clemente ang marked money kapalit ng droga ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba.
Nakompiska kay Clemente ang 20 medium plastic sachets na naglalaman ng 100 gramo ng shabu na may standard drug price na P680,000, P1,000 bill na nakabungkos sa 14 pirasong boodle money, cellphone, at sling bag.
Sa nakalap na impormasyon ni Capt. Aquiatan mula sa mga opisyal ng Barangay 29, ang suspek ay dalawang beses nang nakulong noong Hunyo 2016 at Disyembre 2019 dahil sa ilegal na droga.
Samantala, dakong 4:00 pm nang masakote rin ng mga tauhan ni P/Capt. Aquiatan sa buy bust operation sa Samson Road, harap ng Puregold Supermarket, Barangay 76, Caloocan si Johnver Cleofas, 21 anyos; at Ryan Sean Cleofas, 38 anyos, MTPB employee sa Maynila at residente sa #821 Deodato St., Barangay 53, Zone 4, District 1, Tondo, Maynila.
Narekober sa mga suspek ang aabot sa isang kilo at 50 gramo ng marijuana na may P126,000 ang halaga, dalawang P1,000 bill na nakabungkos sa 30 pirasong 1,000 boodle money na ginamit bilang buy bust money, at isang kulay violet na NMAX motorsiklo.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng paglabag sa kasong Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)