SUNOD-SUNOD na nadakip ang 15 katao na pawang lumabag sa batas sa magkakahiwalay na police operations sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon, 1 Setyembre.
Unang iniulat kay P/Col. Lawrence Cajipe, direktor ng Bulacan Police Provincial Office, ang pagkaaresto sa siyam na drug suspects sa ikinasang buy bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pandi at Marilao Municipal Police Station (MPS).
Sa nasabing operasyon, nakompiska ng pulisya mula sa mga suspek ang kabuuang 14 selyadong plastic sachets ng hinihinalang shabu at buy bust money.
Kasunod nito, nadakma ang tatlo kataong nahuling nagsusugal sa anti-illegal gambling operations na isinagawa ng mga tauhan ng San Jose del Monte City Police Station (CPS).
Naaktohan ang mga suspek habang nasa kainitan ng pagsusugal ng cara y cruz sa Phase 3, Pabahay 2000, Barangay Muzon, sa lungsod ng San Jose del Monte, at nasamsam mula sa tatlong ang mga baryang pisong umabot sa halagang P300.
Wala rin kawala ang tatlong wanted persons nang matutop sa kanilang lungga ng tracker teams ng Angat, Calumpit, at Marilao Municipal Police Stations (MPS).
Kasalukuyang nakapiit ang mga akusado at nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)