NAGHAIN ng isang resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan si Bokal Emily Viceo ng 3rd District ng Bulacan, na kinakailangang magsuot ng face mask at face shield ang mga magsasaka sa pag-aalaga ng kanilang mga pananim upang makaiwas sa CoVid-19.
Tumatayong vice chair ng committee on health sa lalawigan si Bokal Viceo na nananawagang gawing compulsory ang pagsusuot ng face mask at face shield para sa mga magsasaka habang nagtatanim o kaya ay naglilinang ng bukid gamit ang traktora.
Kapag inaprobahan ang nasabing resolusyon, ang mga magsasakang lalabag sa nasabing ordinansa ay papatawan ng P1,000 hanggang P5,000 multa.
Ayon kay Pol Fajardo, presidente ng Bulacan Provincial Agricultural and Fisheries Council, bukas sila sa panukala ngunit hindi niya matitiyak na ang kanilang 20,000 miyembro ay agad makasusunod sa kautusan.
Aniya, sa pandemyang kinakaharap ng magsasaka sa ngayon, mas mainam na tulungan silang makabangon muli at hindi patawan ng kung anong karagdagang pasakit.
Sa susunod na linggo ay nakatakda itong pag-usapan ng komite sa Sangguniang Panlalawigan pero dito ay may agam-agam na si Vice Governor Wilhelmino Sy-Alvarado kung kinakailangan ba ito ng mga magsasaka dahil hindi naman sila magkakadikit at may social distancing naman habang nagtatanim.
Sinabi ng isang magsasaka, kahit walang CoVid-19, kapag sila ay nasa bukirin at nagtatanim ay nakatakip ang kanilang mga mukha bilang pananggalang sa init ng araw kaya hindi na nila kailangan ang facemask at face shield na makaaabala lang sa kanilang gawain. (MICKA BAUTISTA)