SINAMPAHAN ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang buong drug enforcement unit (DEU) ng San Jose del Monte City Police Station sa lalawigan ng Bulacan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng NBI Death Investigation Division (NBI-DID), sa anim na napatay ng mga pulis na sinasabing nanlaban sa drug operation ay sadya umanong dinukot, pinaslang, at tinaniman ng mga ebidensiya.
Nabatid mula 14-18 Pebrero ay magkakasunod na namatay sa drug buy bust operation ang anim na residente ng lungsod.
Ayon sa report ng Philippine National Police (PNP) drug enforcement unit (DEU) ng SJDM, lahat sila ay nanlaban, kaya dumepensa at napatay sila ng mga pulis.
Ngunit ayon sa imbestigasyon ng NBI-DID, lumilitaw na dinukot sila bago dinala sa estasyon ng pulisya kung saan piniringan at pinosasan bago pinatay at pareho pa ang suot ng mga biktima sa loob ng himpilan at sa pinangyarihan ng krimen kung saan umano sila nanlaban.
“Pinalabas nila, dinala sa isang remote at madilim na area at doon allegedly gumawa sila ng scenario na parang buy bust op which is in reality ay fabricated buy-bust op,” sabi ng ahente ng NBI.
Sa report ng SJDM CPS, may mga nabawi pang droga at baril mula sa mga napatay na biktima ngunit hindi ito kinagat ng NBI.
“Paano magkakaroon ng baril and drugs e the night before nasa loob sila ng kanilang office,” anang imbestigador ng NBI.
Masama ang loob ng mga namatayan na kaanak dahil lumalabas na ang ilan sa mga biktima ay ikinulong sa police station nang ilang araw bago pinatay.
Noong una ay inakala ng mga kaanak ng mga biktima na nawawala lang sila kaya humingi pa sila ng tulong sa mga pulis para maghanap.
Dahil dito ay iniimbestigahan na rin ng NBI ang iba pang kaso ng mga namatay sa buy bust operation ng DEU San Jose del Monte CPS.
Sinampahan ng kasong kidnapping, serious illegal detention with murder, at planting of evidence, ang hepe ng drug enforcement unit at ang kanyang mga tauhan na hindi naman nagbigay ng paliwanag sa NBI.
Kinilala ang mga pulis na sinampahan ng kaso na sina, P/Maj. Leo dela Rosa, P/SSgt. Benjie Enconado, P/SSgt. Jayson Legaspi, P/SSgt. Irwin Yuson, P/SSgt. Edmund Catubay, Jr., P/Cpl. Jay Leoncio, P/Cpl. Herbert Fernandez, P/Cpl. Raymond Bayan, P/Cpl. Raul Malgapo, Pat. Erwin Sabido, at Pat. Rusco Madla. (MICKA BAUTISTA)