NAKADISKUBRE kamakailan ang comedian-singer na si K Brosas ng mabisang paraan para mapatahimik at mapasuko sa mga manlalait (bashers) sa social media.
Isa si K sa mga showbiz idol na ‘di maka-Duterte at hayagang ipinababatid sa madla ang paninindigan. Agad silang kinukutya ng mga maka-Duterte na ang ilan ay kabilang sa mga binabansagang “trolls” at pinaniniwalaang binabayaran ng kung-sino para ipagtanggol ang administrasyon.
Mayroon din namang bashers na ‘di-bayaran at sadyang bilib lang sa kasalukuyang administrasyon kaya ginawa na nilang libangan, kundi man mistulang career nila ang panghahamak sa mga anti-Duterte.
Kabilang sa mga namba-bash kay K ay isang blogger na kilalang pro-Duterte, na binatikos ng kapwa niya Diehard Duterte Supporters (DDS) dahil sa panlalait nito sa “komedyanteng/singer,” na pinaniniwalaang si K.
Ang pangalawa ay isang netizen na malamang ay maparusahan ng employer nito dahil sa puspusang pagmumura at pang-aalipusta kay K.
Noong July 29, ipinost ni K sa Twitter ang screenshot ng isang blind item mula sa Facebook account ng DDS blogger na si Banat By na kilala rin sa tunay n’yang pangalang Byron Cristobal.
Ang clue sa blind item ay “komedyanteng/singer” na nagsisimula ang pangalan sa letter “K”.
Kinutya ang “komedyanteng/singer” na “pa-relevant,” “panay ang tiktok dahil gurang na,” at “bagsak ang mukha at puro wrinkles.”
Ni-reshare ang post ng DDS blogger sa Facebook page ni Mocha Uson, presidential appointee bilang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration at isa ring masugid na supporter ng Pangulo.
Ang DDS blogger ay administrator din ng Mocha Uson Blog sa Facebook.
Kasamang ibinahagi ni K ang screenshot na naglalaman ng comments sa blind item.
Nadesmaya ang ilang DDS sa DDS blogger dahil sa blind item nitong nanlait pa ng hitsura ng “komedyanteng/singer.”
Tweet ni K (published as is): “Lol.. katawa yung lait no? Kapwa ka dds Di na rin kinaya.. kc naman kung ako ay ‘gurang’ at daming wrinkles keme ano pa tamang description SA ating pangulo?”
Ang pangalawa ay isang netizen na malamang ay parusahan ng employer nito dahil sa walang-patumanggang pagmumura at pangungutya kay K.
Ayon kay K, hindi siya umabot sa puntong laitin ang hitsura “nila.”
Sa isa pang tweet, ipinost ni K ang screenshot ng direct message sa kanya ng isang netizen na nagmura at nambastos sa kanya dahil sa pagbatikos n’ya sa Pangulong.
Nadiskubre na pala ni K kung saan nagtatrabaho ang basher dahil nakapaskil ang info sa profile ng social media account nito.
Nagulat ang comedian-singer dahil ang mga paboritong shows pala ng basher ay nasa Kapamilya Network, kabilang ang It’s Showtime at Umagang Kay Ganda, na parehong kinabibilangan ni K.
Tweet ni K patukoy sa basher: “alam ko rin San sha work hihi kc naka public.. pero natawa ako dahil nakita ko fave nyang mga tv shows.”
Binanggit din ni K na tungkol sa religion ang paboritong libro ng basher.
May follow-up tweet si K sa ginawa niyang hakbang laban sa basher.
“Naka public sha w/ complete info. Tinawagan ko yung employer. Compirm.
“Sabi ko file ako kaso. naloka! Award!”
Sa sumunod na tweet ni K, ibinalita niyang nag-deactivate ng account ang basher na inireport niya sa employer. Pati ibang bashers na kasama sa “line up” ni K ay mukhang ipinahinga na rin ang accounts nila. Malamang ay nabasa nila ang ginagawang aksyon ng Tawag ng Tanghalan” judge.
Pero warning ni K: “pero buti na Save ko hihi so araw araw isa isa kayo saken. Tapang nyo eh! [Sticking out tongue emoji]”
Sa isang tweet, ipinost ni K ang screenshot ng isa pang basher, pero tinakpan niya ang handle name nito.
Ani K, kasama ang basher na ito sa kanyang “line up” na irereklamo dahil naka-public ang impormasyon ng employer at ang contact numbers nito.
“May dagdag pa chika iba na naging ganon daw anak ko kc wala akong kwentang ina… inanyo! Wait Lang…” babala ni K.
Kamakailan ay umamin ang anak ni K na si Crystal, 22, na isa siyang lesbian.
Ayon kay K, dumidiretso siya sa public information ng netizens na hindi fake ang accounts at inaalam ang mga detalye nila, gaya ng employers ng mga ito, para i-report.
“Dedma ako SA trolls o new accounts,” dagdag ng komedyante.
Pagkalipas ng ilang araw, ibinalita ni K na nagbunga ang pagre-report niya sa netizen na nam-bash sa kanya.
Tweet niya: “Good morning! Habang nagluluto ng afritada, naka receive ako NG e-mail na ‘we don’t tolerate that kind of behavior mam, we will take necessary actions etc.’ ..Habanaysdey.”
O, ayan, showbiz idols, di n’yo na kailangang makipagsagutan sa bashers n’yo lalo na kung may mga impormasyon pala sila sa accounts nila. Kaunting pindot lang naman sa keyboard n’yo ang kailangan para matunton ang mga personal na detalye tungkol sa kanila.
Pwede ring ‘pag nakuha n’yo na ang mga detalye tungkol sa kanila, warningan n’yo sila na magdedemanda kayo. Noon ay naibalita na namin na ganoon ang ginawa ng actress na si Sue Ramirez na ayaw tantanan nang panlalait sa kanya.
Nagtapang-tapangan pa ang basher na alam n’ya ang tunay na pangalan ni Sue at ilan pang private details tungkol sa actress. Tinunton din ni Sue ang mga detalye tungkol sa basher n’ya (gaya ng pagiging isang ina na pala nito). Nagbabala si Sue na idedemanda siya nito. Tumigil ang lukaret na basher.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas