ARESTADO ang isang lalaki matapos makuhaan ng mahigit sa P.3 milyon halaga ng shabu makaraang masita ng mga pulis dahil sa hindi pagsusuot ng face mask sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Dario Menor ang naarestong suspek na si Roger Werble, 45 anyos, driver at residente sa Block 34 Lot 1 Barracks St., Maharlika Village, Taguig City.
Ayon kay Col. Menor, dakong 10:05 pm, habang nagsasagawa ng mobile patrol ang mga tauhan ng Caloocan Police SS2 sa kahabaan ng P. Jacinto St., corner Urbano St., Brgy. 87 ng nasabing lungsod nang mapansin ang suspek na walang suot na face mask.
Agad nilapitan nina Pat. Rommel Diaz at Pat. Allan Delbert Cunanan ang suspek para alamin ang kanyang pagkakakilanlan.
Akto namang binuksan nito ang kanyang itim na leather body bag ay tumambad sa paningin ng mga pulis ang tatlong plastic sachets naglalaman ng hinihinalang shabu.
Agad inaresto ng mga pulis ang suspek at narekober sa kanya ang aabot sa 51 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P346,000 ang halaga at P10,000.00 cash.
Inaalam ng pulisya kung kanino nanggaling ang mga shabu upang matukoy ang supplier nito.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Dangerous Drug Act of 2002 o ang Section 11, Art II of RA 9165. (ROMMEL SALES)