Thursday , December 19 2024

FDCP, ‘di sakop ang pangangasiwa sa operasyon ng film outfits — Harry Roque

HINDI sakop ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang pagpapataw ng mga regulasyon sa mga aktibidades ng mga kompanya ng pelikula at iba pang audiovisual (AV) companies sa bansa.

 

‘Yan ang iginiit kamakailan ng tagapagsalita ni Pres. Rodrigo Duterte na si Harry Roque nang maging panauhin siya ni Karen Davila sa programang Headstart sa ANC kamakailan.

 

Walang batas na lumikha sa FDCP na sakop nito ang pagpapataw ng mga regulasyon sa paggawa ng mga pelikula at iba pang uri ng AVproductions, paglilinaw ni Roque.

 

Sa abot ng kaalaman n’ya, ang Department of Trade (DOTr) at ang Department of Education ang may responsibilidad na gabayan ang pangasiwaan ng mga kompanya ng pelikula at AV companies kaugnay ng mga aktibidades nila.

 

Samantala, pinadalhan namin ng message sa PM ng official Facebook page si FDCP chairperson Liza Dino para hingin ang reaksiyon n’ya sa pahayag ni Roque pero wala kaming natanggap na reply hanggang nang isinusulat namin ang report na ito.

 

Hindi ito ang unang pagkakataon na tinututulan ng mga taga-industriya ng pelikula at telebisyon ang mga regulasyong ipinapanukula ng FDCP. Noong Mayo ay tinutulan din nila ang health and safety protocol sa pagsusyuting ng pelikula at pagte-teyping ng TV shows na inisyu ng FDCP. Bumuo pa nga ng bagong grupo ang mga taga-industriya para kolektibo nilang maiparating sa FDCP ang pagtutol nila sa umano’y pananakop ng FDCP ng awtoridad na wala naman sa batas na lumikha sa FDCP.

 

Ang bagong tatay na grupong ‘yon ay ang Inter-Guild Alliance (IGA) na kinabibilangan ng movie producer at film director na si Ms. Joji Alonso na isa ring abogada.

 

Ang batas na lumikha sa FDCP noong 2002 ay ang Republic Act 9167.

 

Inimbitahan ng Head start si Roque para magbigay-linaw sa mga katwiran ng pagtutol ng Directors Guild of the Philippines, Inc. (DGPI) sa mga iniuutos na mga hakbang ng Advisory 06 ng FDCP tungkol sa pagsusyuting o teyping ng mga pelikula, TV show, at iba pang AV productions.

 

Pinalabas ng FDCP ang Advisory 06 noong nakaraang linggo lang, at agad nga itong tinutulan ng DGPI sa pamamagitan ng isang official statement. Sa nakasulat na pahayag na iyon, binansagan ng DGPI ang Advisory 06 na mapanghimasok na regulasyon (“regulatory intrusion”).

 

Inihambing ng organisasyon ng mga direktor ng pelikula ang pasya ng FDCP sa kilos ng pulisya na pagpapatupad ng mga regulasyon. Agad nagpanukala ang DGPI member na si Erik Matti na isulat nila sa social media accounts ang pagtutol nila at kabitan ng hashtag na #NoToFDCPolice para makatawag-pansin agad.

 

Kasapi rin sa IGA si Matti, isang sikat at outspoken na direktor na miyembro rin ng DGPI. Noong Mayo pa lang ay iginiit na n’yang hindi kabilang sa mga responsibilidad ng FDCP na pangasiwaan ang mga aktibidades ng mga kompanya ng pelikula, telebisyon, at advertising.

 

Ang pangunahing layunin ng FDCP, ayon kay Matti ay bumuo ng mga policy na makapang-eengganyo sa industriya ng pelikula na maging aktibo sa pagtataguyod ng kultura ng Filipino para makilala sa buong mundo at para maging puwersa ang pelikula sa pag-unlad ng bansa, kabilang na ang aspetong pagpapaunlad ng ekonomiya.

 

Puwedeng maglunsad ang FDCP ng mga proyekto at aktibidad na kasasangkutan ng mga taga-industriya ng pelikula pero hindi ito pwedeng magpatupad ng mga reglamento sa aktuwal na operasyon ng mga kompanya ng pelikula.

 

Ang particular na tinututulan ng DGPI sa Advisory 06 ay ang utos ng FDCP na kailangang iparehistro muna sa FDCP ng mga kompanya ng pelikula, telebisyon, at advertising agency ang isusyuting o iteteyping nilang proyekto pitong araw bago sila magsimulang magtrabaho.

 

Nahiwagaan din ang DGPI na pati mga live na pagtatanghal sa kahit na saang venue (lugar) sa Pilipinas ay kailangan ding magparehistro.

 

Isang film and production-executive, si Bianca Balbuena-Liew, ang kinuwestyon din kamakailan kung bakit sa FDCP registration form ay itinatanong ang budget ng produksiyon, ang kuwento at tema ng pelikula, AV production, live presentation na gagawin ng isang kompanya. Ang mga ganoong detalye ay walang kinalaman sa safety and health ng mga talent at manggagawa sa produksiyon.

 

Nagsususpetsa si Balbuena-Liew na ang mga probisyon ng Advisory 06 ay maaaring iugnay sa napipintong pagsasabatas ng Anti-Terror Bill ng kasalukuyang pamahalaan.

 

Samantala, binigyang-diin ni Roque na walang nakasaad sa batas na regulatory functions ang FDCP kahit na sa mga ‘di-karaniwang panahon na ang isang halimbawa ay ang kasalukuyang pandemya.

 

Bukas ang patnugutan ng HATAW na ilimbag ang ano mang reaksiyon at panig ng FDCP tungkol sa ulat na ito.

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Bong Revilla Jr Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Bong sa magpapakilalang anak: aakuin at hindi ikinahihiya

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio KAHANGA-HANGA ang ginawang pag-amin ni Sen Bong Revilla nang matanong kung …

Piolo Pascual TVJ Tito Sotto Vic Sotto Joey de leon

TVJ handang makipag-collab kay Piolo

PUSH NA’YANni Ambet Nabus IBA talaga si papa Piolo Pascual dahil noong nakaraang Friday the 13th, sinolo …

Claudine Barretto Alfy Yan Rico Yan

Alfy kamunghang-kamukha ni Rico, papasukin din ang showbiz

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PERSONAL na sinamahan ni Claudine Barretto si Alfy Yan, pamangkin ni Rico Yan sa Viva Entertainment office last week. …

Bong Revilla Jr Boss Toyo Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Boss Toyo hindi natanggihan si Bong Revilla 

I-FLEXni Jun Nardo BAGONG-DAGDAG sa cast ng third season ng Walang Matigas Na Pulis sa Matinik …

Atom panalo sa kasong ‘red-tagging’ vs Lorraine at Jeffrey

HATAWANni Ed de Leon LUMABAS na ang hatol ng Quezon City RTC  Branch 306 kina dating …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *