“NAKALULUNGKOT dahil dumaraan tayo sa pandemya, sinasabayan naman ng ilang kababayan ang pagpapakalat at pagbebenta ng droga sa ating mga kababayan,” ito ang bungad ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan, kahapon ng umaga.
Kaugnay ito ng P16.6 milyon halaga ng ilegal na drogang nakompiska ng mga awtoridad sa apat na hinihinalang big time drug personalities matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, nitong Biyernes ng gabi.
Iniharap ni Caloocan police chief P/Col. Dario Menor kay Mayor Malapitan at kay Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang mga naarestong suspek na sina Salahudin Abedin, alyas Boss, 35 anyos; Jamal Mustapha, 36 anyos, muay thai instructor; Asnihaya Disomimba, 30 anyos, online-seller; at Misaly Mustapha, alyas Sally, 34 anyos, pawang residente sa Abdulasis St., Phase 12, Barangay 188 sa Tala.
Sa ulat, dakong 8:00 pm nang isagawa ng mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation laban sa mga suspek matapos ang isinagawang surveillance operations.
Nagawang makipagtransaksyon ng isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer sa mga suspek ng P52,000 halaga ng shabu.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money kapalit ng isang medium transparent plastic bag ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.
Nakompiska sa mga naarestong suspek ang 25 medium knot-tied transparent plastic bag na naglalaman ng 2 kilo at 450 gramong shabu na tinatayang nasa P16,660,000 ang street value at limang P1,000 bills kasama ang 47 piraso ng 1,000 fake/boodle money.
Pinuri ni Mayor Malapitan at Gen. Ylagan ang mga operatiba ng SDEU ng Caloocan Police sa ilalim ng pamumuno ni Col. Menor dahil sa matagumpay na operation kontra ilegal na droga. (ROMMEL SALES)