“SANA sa panahon ng pandemic, suportahan natin ang pagpasa ng batas na makakatulong sa ating mga kababayan.”
Binigyang diin ito ni Senate committee on health and demography chair Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang sponsorship speech kaugnay sa panukala para sa improvement ng dalawang government hospital, kabilang rito ang isinulong sa Kamara na House Bill 6036 at House Bill 6144.
Sinabi ni Go, kabilang ang panukalang dagdagan o taasan ang kakayahan ng Cagayan Valley Medical Center na kasalukuyang Level 3 DOH hospital sa Tuguegarao City na tumutugon sa mga pasyente sa Region 2 at mga kalapit lalawigan ng Cordillera Administrative Region (CAR) gaya ng Apayao, Kalinga at Ifugao.
Sa kanyang talumpati sa Senado, sinabi ni Go, noong 2018-2019 nakapagtala ang CVMC ng 6,155 hospital admissions na mas mataas sa kanilang pamatayan.
Isa ito sa dahilan kaya isinusulong ang pagpapataas sa bed capacity ng ospital mula 500 patungog 1,000-bed capacity.
Samantala, tinukoy ni Go ang improvement ng bed capacity ng Las Piñas General Hospital and Trauma Center na mayroong 200-bed capacity gayong ilang lungsod at bayan ang sineserbisyohan nito.
Sa kasalukuyan, mayroong 200 bed capacity ang LPGH at target itong maitaas sa 500 beds para makatulong sa mga pasyente sa lungsod at mga kalapit na lugar lalo ngayong panahon ng COVID-19 pandemic. (NIÑO ACLAN)