NAKATAKDANG maging aktibo muli ang kontrobersiyal na Twitter account na IamEthylGabison na itinatwa na ng comedian-singer na si Ethel Booba na siya ang may-ari at mismong nagtu-tweet.
Ang Admin (administrator) ng Twitter account na tinawag ni Ethel na “Fake” ang nagbalita mismo sa lumang Twitter account na “IamEthylGabison” ang pagbabalik nito.
Buhay na muli ang account na may bagong titulong Charot, pero ‘di muna maglalagay doon ng mga bagong paskil posts.
Bago ang balita ng pagbabalik, ayon sa entertainment website na PEP.ph, nakipagkita sa kanila ang admin ng “IamEthylGabison” at ipinagtapat ang umano’y katotohanan tungkol sa account na ‘yon.
Gayunman, ayaw ipalagay ng admin ang pangalan n’ya at ang kasarian n’ya. “Admin” na nga lang daw ang itawag sa kanya.
Wala ring detalyeng ibinigay ang admin tungkol sa kung ano ang trabaho n’ya, kung saan siya nakatira, at kung dalaga o binata pa siya, bading o tomboy.
Sa inilathahang interbyu ng PEP, parang disente at maayos namang kausap si Admin. Kinompirna nito ang pagtatapat ni Ethel na ‘di pa sila nakikita nang personal, ay ‘di nakikipagkomunikasyon kay Ethel mismo kahit sa anong paraan.
Ang mga kapatid ni Ethel na si Ethel Boobita at Virnard ang nakikipagkomunikasyon sa kanya. Hindi nilinaw ni admin kung nakaharap na n’ya kahit minsan man lang ang magkapatid o isa man sa kanila.
Noong mga unang labas pa lang ng “IamEthylGabison,” ayon kay admin, ay may kasama itong description na “Spoof Account” para malinaw sa mga sumusubaybay na ‘di si Ethel Booba mismo ang may-ari niyon at nagtu-tweet. Hindi humingi ng permiso kanino man si admin para simulan at ituloy-tuloy ang Twitter account.
Sa paglaon ay tinanggal na ang description dahil wala namang tutol doon ang comedian-singer at nakakausap na ni admin ang mga kapatid nito.
Ang bagong “Charot” @IamEthylGabison ay may deskripsyon na “Started as PARODY account until Ethel claimed it as hers on National TV.’
Ang unang ginawa ni Admin sa “Charot” ay burahin ang mga laman niyon na tahasang nagpapahayag na ang comedian-singer mismo ang nagtu-tweet. ‘Di nilinaw ni admin kung ilan ang tinanggal n’ya at kung ilan ang natira sa mga lumang tweet.
Magsisimula lang si admin na maglagay ng bagong posts kapag naramdaman n’yang ‘di na identified sa comedian-singer ang Twitter account na ‘yon.
Pero sa tingin ng kolumnistang ito ay ‘di kailanman maihihiwalay kay Ethel Booba ang account na ‘yon lalo pa’t “Ethyl Gabison” ang totoong pangalan ng comedian-singer na kapapanganak lang three months ago.
Pareho sina Admin at Ethel na nagsasabing wala silang kinita buhat sa Twitter account na ‘yon. Hindi siya binayaran ni Ethel ni isang sentimo at hindi siya naningil kay Ethel kailanman ni isang kusing.
Posibleng wala ngang kinita si Admin, pero siguradong may kinita si Ethel mula sa Viva Books na nag-publish ng librong Charotism na koleksiyon ng umano’y the best items mula sa Twitter account. Noong 2016 lumabas ang libro.
Umamin si admin na inalok siya ng pera ni Ethel sa pamamagitan ng dalawa nitong kapatid noong ilalabas na ang libro pero hindi n’ya sineryoso ang alok kaya’t wala naman siyang natanggap. Tinanggihan naman n’ya yon dahil may trabaho naman siya na bumubuhay sa kanya.
Ayon sa ABS-CBN News, may mensahe si admin para sa lahat.
“Ang parody account na napamahal na sa karamihan ay pansamantalang naka-off air.
“Ito po ay pinrotektahan dahil mayroon pong mga ilan na hindi mabuting loob na nagnanais na gamitin ito para sa kanilang pansariling intensyon.
“Hindi ko na po kailangan sagutin ang mga insulto at paratang ni Ms. Ethel Booba. Mataas po ang respeto ko sa kababaihan at hayaan na lang po natin ang kanyang mga sariling past interviews sa media ang mag-linaw sa lahat.
“Hanggang sa muling pagbabalik ng aliw at katatawanan.”
Habang isinusulat namin ito, wala kaming nasasagap na reaksiyon mula kay Ethel Booba, o sa mga kapatid n’ya, tungkol sa nakatakdang pagiging aktibo uli ng Twitter account na “IamEthylGabison.”
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas