SIMULA kahapon Lunes, 30 Marso, inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Navotas at ng Department of Agriculture (DA) ang Kadiwa On Wheels para ilapit sa mga Navoteño ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Magpatutupad ang lungsod ng number coding scheme para sa oras ng pamamalengke para maiwasan ang siksikan ng mga mamimili at maseguro ang social distancing.
Magpapadala ang DA ng tatlong “Kadiwa On Wheels” truck na magbebenta ng mga gulay at poultry at fish products mula sa mga probinsiya.
“Lubos na makikinabang ang mga Navoteño sa Kadiwa On Wheels, lalo na ‘yung mga nakatira malayo sa mga palengke ng lungsod. Makatutulong din sa ating mga magsasaka na hirap sa pagbebenta ng kanilang mga produkto dahil sa coronavirus lockdown sa Luzon,” pahayag ni Mayor Toby Tiangco.
Dalawang truck ang hihimpil sa ganap na 7:30 am sa M. Naval St., Brgy. Bangkulasi at sa Estrella St., Brgy. Navotas East. Isa naman ang iikot sa mga barangay ng San Jose, San Roque, Daanghari at Tangos North at South.
Samantala, para mabawasan ang bilang ng mga mamimiling magkakasabay-sabay, nagkasundo ngayong Linggo ang pamahalaang lungsod at ang 18 barangay na magpatupad ng number coding scheme para sa oras ng pamamalengke.
Ang mga may hawak ng home quarantine pass na nagtatapos sa 1, 3, 5, 7, at 9 ay maaaring mamalengke tuwing 5:00 am hanggang 11:00 am. Iyon namang may pass na nagtatapos sa 2, 4, 6, 8, at 0 ang mamimili mula 1:00 pm hanggang 6:00 pm. (JUN DAVID)