NAKALIKOM si Matteo Guidicelli, ang brand new husband ni Popstar Royalty Sarah Geronimo, ng mahigit sa P4-M sa loob ng limang oras ng isang online (streaming) show na inorganisa n’ya at ipinalabas noong Linggo (March 22) mula 12:00 noon-5:00 p.m.. Sa Facebook page ni Matteo ipinalabas ang show.
Ang nalikom na pondo ay ipantutulong sa pagbili ng pagkain ng mga kababayan nating pansamantalang ‘di-makapaghanapbuhay dahil sa enhanced community quarantine program ng gobyerno para mapigil ang paglaganap ng Covid-19.
Alam na nating matindi ang pagmamalasakit ng Pinoy-Italian actor sa bansa, at ang ebidensiya niyon ay ang pagpasok n’ya sa Philippine Army bilang reserved officer. Pero ‘di natin alam na matindi rin pala ang sense of leadership n’ya.
Namumuno ang mga lider, ‘di nagtatrabaho mag-isa. Nakipag-coordinate si Matteo sa Landers Superstore, sa Philippine Army, at sa mga kasamahan n’ya sa entertainment industry para maging matagumpay ang fundraising online show.
Binansagang One Voice Pilipinas ang pagtatanghal at kabilang sa mga nag-perform sina Kean Cipriano, Gian Magdangal, Jed Madela, Jason Dy, Kyle Echarri, at Joey Generoso.
Nagkaroon din ng special appearance si Sarah: nakipag-duet siya kay Janine Tenoso ng worship song na Oceans.
Nagpahayag naman ng suporta at saloobin nila tungkol sa nagaganap sa bansa sina Judy Ann Santos, Jericho Rosales, Kylie Verzosa, Nico Bolzico, at marami pang ibang taga-entertainment industry.
Sina Matteo at Kean ang nag-announce pagkatapos ng limang oras ng show na mahigit sa P4-M ang nalikom nila.
Nagpahiging si Matteo na pwedeng mag-organisa siya uli ng ilan pang shows na ganoon, at umaasa siyang mapapasali n’ya ang mag-sweetheart na Liza Soberano at Enrique Gil at mas marami pang kasamahan nila ni Sarah sa Kapamilya Network.
Antabayanan natin kung saan-saang lugar ipamamahagi ng grupo ni Matteo ang mga food pack at iba pang goods na tulong nila sa ‘di-makapagtrabahong kababayan natin.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas